Korte Suprema wala pang nakikitang paglabag sa ginagawang clean-up at rehabilitasyon sa Manila Bay
Walang inisyung contempt order ang Korte Suprema laban sa DENR kaugnay sa paglagay ng dolomite sand sa Manila Bay.
Ang kaso ay kaugnay sa motion to intervene at hirit ng Akbayan Citizen’s Action Party na patawan ng contempt ang DENR dahil sa paggamit ng pekeng white sand sa Manila Bay Walk bilang bahagi ng pagpapaganda sa lugar.
Sa resolusyon ng Supreme Court en banc, sinabi na wala pa itong nakikitang paglabag sa panig ng DENR sa continuing mandamus order nito na linisin at i-rehabilitate ang Manila Bay.
Ayon sa Korte Suprema, ito ay batay na rin sa quarterly reports na isinusumite ng mga kinauukulang ahensya at on-site inspection na isinagawa ng Manila Bay Advisory Council (MBAC) na pinamumunuan ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Ipinunto ng SC na hindi nakaliligta ang DENR sa tungkulin nito na iulat sa MBAC ang mga ginagawa ng mga concerned agencies at department sa Manila Bay clean-up.
Inihalimbawa ng SC ang compliance report ng DENR na nagdi-detalye sa mga naisagawang programa at aktibidad sa Manila Bay at paligid nito.
Paliwanag pa ng Korte Suprema ang kinukwestyong artificial beach enhancement project ng DENR na hindi konektado sa mga aktibidad na ipinagutos ng SC ay maituturing lang na ‘deviation’ mula sa mandato ng gobyerno na nakasaad sa writ of mandamus.
Ipinunto pa ng SC na isang factual issue at usaping pulitikal ang pagkwestyon sa paggamit ng dolomite sand na hindi pwedeng pakialamanan ng hukuman.
Moira Encina