Kritiko ng Islam, kabilang sa anim na nasugatan sa knife attack sa Germany
Isang prominenteng kritiko ng Islam ang kasama sa anim kataong nasugatan sa isang knife attack, sa isang rally sa Germany.
Ang pag-atake na nangyari ilang araw bago ang EU-wide elections, ay naganap sa gitna ng pagdami ng mga insidente ng karahasan sa Germany na ‘politically-motivated.’
Ayon kay Interior Minister Nancy Faeser, may posibilidad na ang pag-atake ay Islamist motivated.
Sa isang pahayag ay sinabi ng pulisya, na inatake at nasugatan ng isang lalaking armado ng kutsilyo ang ilang tao sa market square ng Mannheim City, humigit-kumulang 90 kilometro (55 milya) timog ng Frankfurt sa timog-kanlurang Germany, bandang 11:35 ng umaga (0935 GMT), noong Biyernes.
Ayon sa pulisya, lima sa mga nasugatan ay kasama sa isang rally na inorganisa ng Pax Europa, isang campaign group na kontra sa radical Islam.
Bukod dito ay isang pulis din na rumesponde ang ilang ulit na sinaksak sa likod ng ulo.
Nasugatan din ang salarin matapos siyang paputukan ng mga pulis.
Dagdag pa ng pulisya, “The extent and severity of the injuries are not yet known, and the identity of the attacker had not yet been determined.”
Sinabi naman ni Chancellor Olaf Scholz, “The images from Mannheim are terrible. Violence is absolutely unacceptable in our democracy. The perpetrator must be severely punished.”
Sa pahayag ng Pax Europa sa kanilang website, nakasaad na isa sa mga biktima ay si Michael Stuerzenberger, isang German far-right activist at blogger, na nakatakda rin sanang lumahok sa rally.
Si Stuerzenberger na ilang taon nang prominenteng anti-islam campaigner sa Germany, ay nagtamo ng grabeng stab wounds sa kaniyang mukha at hita.
Inakusahan siya ng Bavarian security services ng pagbibitaw ng mga pahayag na “Islamophobic,” habang ang Pax Europa naman ay ibinilang na Islamophobic.
Nanawagan naman si Faeser ng malalimang imbestigasyon sa motibo ng attacker.
Aniya, “If the investigations reveal an Islamist motive, this would be a further confirmation of the great danger posed by Islamist acts of violence.’
Ang Germany ay naka-high alert na para sa posibleng Islamist attacks simula nang mag-umpisa ang Israel-Hamas war, kung saan nagbabala pa ang domestic intelligence chief ng bansa na ang panganib ng mga katulad na pag-atake ay “totoo at mas malamang kaysa nakalipas na mga panahon.”
Nasaksihan din ng bansa ang sunud-sunod na pag-atake sa mga pulitiko na nangangampanya kaugnay ng EU Parliament elections na gaganapin sa June 9.
Si Matthias Ecke, isang European parliament lawmaker para sa SPD party ni Scholz, ay inatake ngayong buwan ng isang grupo ng mga kabataan habang naglalagay siya ng election posters sa eastern city ng Dresden.
Ilang araw pagkatapos nito, ang dating Berlin mayor na si Franziska Giffey ay hinampas ng bag sa ulo habang nasa isang library sa Berlin.
Noong isang linggo ay sinabi ni German President Frank-Walter Steinmeier, “I was worried by the growing trend, and Germans must never get used to violence in the battle of political opinions.”