Kulupon ng 135 Chinese boat nasa bahura ng baybayin ng Pilipinas
Sinabi ng Pilipinas na mahigit sa 135 Chinese vessels ang nagkukumpulan sa bahura ng baybayin nito, at inilarawan na ang dumaraming presensiya ng mga barkong ito ay “nakaaalarma” na.
Ayon sa coast guard, ang mga barko ng China ay nakakalat sa loob ng hugis-boomerang na Whitsun Reef, na tinatawag ng Pilipinas na Julian Felipe Reef, humigit-kumulang 320 kilometro (200 milya) kanluran ng Palawan Island.
Ang Whitsun Reef ay mahigit sa 1,000 kilometro mula sa pinakamalapit na pangunahing landmass ng China, ang Hainan island.
Sa pahayag ng Pilipinas, nabilang nito ang 111 “Chinese maritime militia vessels” (CMM) noong November 13. Nang magdeploy ang coast guard ng dalawang patrol boats sa lugar noong Sabado, ang bilang ay “mahigit na sa 135.”
Ayon sa coast guard, “No response was made to the radio challenges issued by the PCG (Philippine Coast Guard) to the CMM vessels which is now estimated to have grown to more than 135 vessels dispersed and scattered within Julian Felipe Reef. The boats’ presence as alarming and illegal.”
Hindi naman agad na tumugon ang Chinese embassy sa Maynila nang hingan ng komento.
Inaangkin ng Beijing ang malaking bahagi sa South China Sea, kabilang ang mga tubigan at mga isla na malapit sa baybayin ng mga katabing bansa nito, at binalewala ang isang desisyon ng international tribunal na walang legal na batayan ang assertion nito.
Nag-deploy ito ng mga sasakyang-dagat para magpatrolya sa mga katubigan, at nagtayo ng mga artipisyal na isla at mga instalasyong militar upang palakasin ang pag-aangkin nito.
Ang Pilipinas, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam ay may claim din sa iba’t ibang isla at bahura sa South China Sea, na pinaniniwalaang may mayayamang reserbang petrolyo sa ilalim ng tubig nito.
Noong Linggo, naglabas ng mga larawan ang coast guard na anila’y nagpapakita sa mga sasakyang pandagat ng China na nakahanay habang ang iba ay nakakalat sa paligid ng tubig.
Noong 2021, isang katulad na insidente na kinasasangkutan ng higit sa 200 Chinese vessels sa reef ang nagbunsod ng diplomatikong alitan sa pagitan ng Manila at Beijing.
Nang mga panahong iyon, iginiit ng Maynila na ang kanilang pagpasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas ay labag sa batas.
Subalit iginiit ng China na ang mga iyon ay bangkang pangisda na nagkakanlong lamang sanhi ng masamang lagay ng panahon, at pinayagang doon magkubli.
Noong Biyernes ay inanunsiyo ng Pilipinas, na magtatayo ito ng isang coast guard station sa pinakamalaking islang hawak nito sa South China Sea upang mapaghusay pa ang pag-monitor sa Chinese vessels.
Sa kaniyang pagbisita sa Thitu Island ay sinabi ni National Security Adviser Eduaro Ano, “The coast guard station would be equipped with ‘advanced systems,’ including radar, satellite communication, coastal cameras and vessel traffic management.”
Ang istasyon ay naitayo na at inaasahang magiging operational sa mga unang bahagi ng susunod na taon.