Kumakalat na balita sa social media tungkol sa lockdown sa Lunes, fake news
Nilinaw ni Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana, na fake news ang kumakalat sa social media na magdedeklara ng martial law at magpapatupad ng total lockdown simula sa Lunes dahil sa pagtaas sa kaso ng Covid-19.
Ginawa niya ang paglilinaw kasabay ng pagsasabing walang matinding dahilan para magdeklara ng martial law.
Sinabi ng kalihim, na ang naitalang higit 17-libong bagong kaso ng Covid-19 kahapon ay hindi pa umabot sa pinakamataas na naitalang bilang ng bagong kaso sa isang araw noong nakaraang taon, na higit 26 na libo.
Aniya, ang Omicron variant na itinuturong dahilan sa pagtaas ng mga bagong kaso ng Covid-19 na maaaring mas nakahahawa, ay hindi ganoon kabagsik ang epekto.
Dagdag pa ni Lorenzana, mas kaunti sa mga nagpopositibo ang may matinding sintomas.
Tiniyak naman ng kalihim na patuloy na pinag-aaralan ng IATF ang sitwasyon at kung magkakaroon man aniya ng lockdown ay hindi ito total lockdown.