Kumpirmasyon ni DAR Sec. Rafael Mariano bigo pa ring lumusot sa Commission on Appointments
Bigo pa ring makalusot sa makapangyarihang commission on appointments ang ad interim appointment ni Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Ipinagpaliban ng CA sa susunod na linggo ang botohan para sa kumpirmasyon ni Mariano dahil sa sampung grupong tumututol na maitalaga ito sa pwesto.
Isa sa humaharang kay Mariano ang haciendero at negosyanteng si Manuel Gallego Jr.
Sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Maria Teresa Gallego, iginiit nito na hindi karapat-dapat sa pwesto si Mariano dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan nang payagan ang mga armadong grupo na pasukin ang kanilang lupain sa Nueva Ecija.
Dahil dito, nag-pull out aniya ang kanilang mga investors na magbibigay sana ng mahigit sampung libong trabaho sa kanilang probinsya na itinuturing na fifth class community.
Pero depensa ni Mariano, hawak na ng PNP ang imbestigasyon at wala sa kontrol ng DAR ang kaso.
Hindi rin niya saklaw ang pag-iisip ng mga magsasaka na sumugod sa hacienda dahil boluntaryo na syang nagbitiw bilang Chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas noong June 2016 bago pa siya maupo bilang kalihim ng DAR.
Itinanggi rin ni Mariano na miyembro ito ng Communist party of the Philippines New People’s Army.
Hindi rin siya naging miyembro ng anumang underground movement at
hindi siya dapat i-ugnay sa pagkakadiskaril ng usapang pangkapayapaan
sa rebeldeng grupo.
Sinabi rin ni Mariano na mula nang maging kalihim siya ng DAR, desidido siyang
isulong ang reporma sa lupang agraryo.
Tiniyak rin nito na magiging patas sa pagpapatupad ng batas sa agraryo para sa interes ng mga magsasaka at mga land owner.
Ulat ni: Mean Corvera