Kung patuloy na bababa ang mga kaso, mask-free sa Level 1 open areas posible na
Posibleng unti-unti nang alisin ang face mask requirement sa mga open area sa ilalim ng Alert Level 1 status, kung patuloy na bababa ang mga kaso.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 special medical adviser, Dr. Ted Herbosa, na maaari iyong ikonsidera bilang isa adjustments sa ilalim ng tinatawag na new normal.
Ayon kay Herbosa . . . “Ang susunod nito ay maaring ‘yung pagsuot ng mask sa outdoor areas, so sa indoor na lang tayo magma-mask lalo na kung bababa ang cases.”
Nguni’t binigyang-diin ng opisyal, na pananaw lamang niya ito at kailangan pang sumailalim sa ebalwasyon.
Ang paggamit ng mask ay pumipigil para makalanghap o maka-absorb ng droplets at particles na maaaring galing sa hininga ng ibang tao, sa ubo o sa bahin, laluna kung tama ang pagkakasuot at natatakpang mabuti ang ilong at bibig.
Samantala, 853 bagong impeksiyon na lamang ang naitala nitong Biyernes para sa kabuuang 50,230 aktibong kaso, mas mababa mula sa naitalang 866 nang sinundang araw.
Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na maibalik na sa normal ang sitwasyon, muling magsasagawa ang gobyerno ng National Covid-19 Vaccination Days (Bayanihan, Bakunahan 4) sa March 10 at 11, na ang bibigyan ng prayoridad ay ang booster shot para sa senior citizens at mga may comorbidity.
Ang Pilipinas ay nakapagbigay na ng higit 63.4 million doses ng Covid-19 primary series sa buong bansa, kabilang ang mga nakatanggap ng single-shot Janssen at Sputnik Light vaccine, habang higit sampung milyong ganap nang bakunado ang nabigyan naman ng booster dose.