Labanan pa rin ng Marcos at Aquino
Mga ka-isyu ng sambayanan ready na ba kayo sa pag-uusapan natin ngayong araw?
Walong beses na sa taong ito ang pagtataas sa presyo ng petroleum products, tuwing Martes na lang.
Wala nang tigil ang ginagawang pagtataas ng mga kumpanya ng langis.
Ewan natin, natutulog na yata sa pansitan ang Energy Secretary na si Alfonso Cusi o lubhang abala sa pulitika.
Alam n’yo naman maliban sa pagiging kalihim ng DOE ay Presidente din siya ng ruling party PDP-LABAN, Alfonso Cusi wing dahil sa nahati ang partido.
Ang balita ko nga ‘yung mga kakampi ni Cusi ay kay Yorme nagsisiksik.
May balita din na ‘yung suporta daw ni Pangulong Duterte ay baka mapunta kay Yorme.
Pero, teka at balikan natin itong pagtaas ng presyo ng petroleum products.
Kung magtaas ang oil companies ay higit sa piso.
Noong nakaraang taon ilang beses din silang nagtaas halos 18 pesos ang itinaas.
Ang gobyerno ay may dapat na gawin at ang kanilang naisip ay buhayin ang pantawid pasada program para mabigyan ng ayuda ang mga nasa sektor ng transportasyon.
Ang ipamamahaging pantawid pasada card ay may laman na limang libong piso na maaaring ibayad kapag magpapakarga ng krudo.
‘Yung sektor lang ng transportasyon ang masusuportahan sa pasada card.
Ang tanong …. papaano ang taumbayan? Tapos, ang transport groups ay humihirit na maibalik ang pahintulot na maitaas ang singil sa pamasahe.
Kapag itinaas ang pamasahe, sinong mahihirapan? Ang mga mayayaman ba?
Ang mga negosyante ba? Hindi!
Ang mahihirapan ay ang taumbayan, ang commuting public.
Kaya sino ang nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng petroleum products?
Taumbayan pa rin! Natural may epekto ito sa presyo ng mga pangunahing bilihin, kaya mataas din ang presyo ng mga bilihin.
Ano na ngayon ang magagawa ng gobyerno? Deregulated ang oil industry.
Hindi nila ginagalaw ang batas ukol dito. Kaya sinong nahihirapan? Taumbayan.
Kaya maaaring sabihin na kaya nang dahil sa pagmamahal sa bayan ng mga pulikto, nahihirapan ang bayan.
Totoo o hindi ? Ang mga pulitiko kapag lumapit sa panahon ng eleksyon walang bukambibig kundi para sa bayan.
Ang nakakalungkot pagkatapos ng eleksyon at nahalal, kawawa ang bayan.
Ngayon, nakikita mo ang mga pulitiko, visible sila at napakadaling lapitan, dahil nangangailangan.
Subalit pag nahalal na, mahirap nang lapitan, mahirap pang mahagilap.
Mabibilang talaga sa daliri ang mga nahalal na totoong naglilingkod sa bayan.
Eto pa ang isa, mula nang bumagsak si Marcos sa poder ng kapangyarihan noong 1986, ngayon ay 2022, so, 36 years ago, ang pulitika sa atin ay labanan pa rin ng Marcos at Aquino .
Bagaman sinasabi ngayon na ang Pink ang kanilang simbolo, dilaw pa rin ito, nagpapanggap lang na pink .
Kaya tignan ninyo, obserbahan ninyo mga ka-isyu , ang kanilang campaign battle cry, labanan ng mabuti at masama.
Pag Marcos, masama, pag sila mabuti!
Sinasabi nila na si BBM ang ginagamit na kredensyal ay ang kanyang tatay.
Pero teka, sila ba? Nangangampanya din sila at ano ang ginagamit nila?
Hanggang ngayon ang usapan ay diktador, martial law.
Huwag na nating pag -usapan ang 1935 at 1973 Constitution, sa 1987 Constitution tayo, walang bang probisyon ng Martial Law sa 1987 Constitution? Meron.
Sino ang gumawa? Ang mga itinalaga ni President Cory Aquino.
Ang martial Law ay hindi iligal , nasa probisyon ito ng Saligang batas.
Ito ang ultimo remedyo kapag sumapit sa sukdulan para makontrol at maipatupad ang kapayapaan, gagamit ng puwersa ang nakaupong Presidente sinoman ito.
Kaya nga hanggang ngayon hindi pa rin nagsasara ang isyu ukol sa labanan ng Marcos at Aquino.