Labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah, tumindi pa
Nagpakawala ng mga rocket ang Hezbollah sa ikatlong pinakamalaking lungsod ng Haifa sa Israel, habang nangako naman ang Hamas na muling babangon at ang Israel ay tila handang palawakin ang opensiba nito sa Lebanon, isang taon pagkatapos nang mapangwasak na pag-atake ng Hamas na nagpasiklab sa digmaan sa Gaza.
Nagsagawa ng mga seremonya at mga protesta nitong Lunes ang mga taga Israel, bilang paggunita sa unang anibersaryo ng Oct. 7 attack ng Palestinian militant group na Hamas, habang kumalat na ang Gaza conflict sa magkabilang panig ng Middle East at nagpatindi sa pangamba ng isang “all-out regional war.”
Makaraang magdulot ng malubhang pinsala ang mga pag-atake ng Israel sa Palestinian territory ng Gaza, nangako ang Hamas na muling babangon sa kabila ng malaking kawalan mula sa isang taon nang labanan.
Nitong Lunes, ay sinabi ng Iran-backed Hezbollah, isang ka-alyado ng Hamas sa Lebanon, na tinarget nito ang isang military base sa timog ng Haifa sa pamamagitan ng “Fadi 1” missiles at naglunsad ng isa pang strike sa Tiberias, 65 kilometro o 40 milya ang layo.
Kalaunan ay sinabi ng armadong grupo na tinarget din nito ang mga lugar sa hilaga ng Haifa gamit ang missiles. Sinabi naman ng Israeli military na nasa 190 projectiles ang pumasok sa kanilang teritoryo nitong Lunes. Hindi bababa sa 12 ang nasaktan.
Ayon pa sa militar ng Israel, ang air force ay nagsagawa ng matinding mga pambobomba sa Hezbollah targets sa south Lebanon at dalawang Israeli soldiers ang namatay, kaya’t umakyat na sa 11 ang namatay na Israeli military sa loob ng Lebanon.
Samantala, umabot na sa 1.2 milyong katao sa Lebanon ang nadisplace, at ang pinaigting na bombing campaign ng Israel ay nagdulot ng pangamba sa maraming Lebanese na ang kanilang bansa ay makaranas din ng malawakang pagkawasak gaya ng ginawa ng Israel sa Gaza.
Nagpalabas naman ng babala ang Israeli forces sa beachgoers at boat users na iwasan ang kahabaan ng Lebanese coast, sa pagsasabing malapit na silang magsimula nang operasyon laban sa Hezbollah mula sa dagat.
Nag-ulat ang health ministry ng Lebanon ng dose-dosenang pagkamatay, kabilang ang 10 mga bumbero na namatay sa isang airstrike sa isang municipal building sa border area.
Nasa 2,000 Lebanese naman ang namatay simula nang umpisahan ng Hezbollah ang pagtarget sa Israel isang taon na ang nakalilipas bilang pakikiisa sa Hamas, ang pinakamarami sa nakalipas na ilang linggo.
Inilarawan ng militar ng Israel, na ang kanilang ground operation sa Lebanon ay “localized, limited and targeted,” ngunit patuloy nila itong pinatitindi simula noong isang linggo.
Ayon sa Israeli Defense Force (IDF), layunin nilang linisin ang border areas na pinagkukutaan ng Hezbollah fighters, pero walang plano na pasukin pa ang kaloob-looban ng Lebanon.
Sinabi ni US State Department spokesperson Matthew Miller, “The United States believes the Lebanon ground operation continues to be limited.”
Ang nagpapatuloy na hidwaan ay nagpataas sa mga alalahanin na ang Estados Unidos at Iran ay masangkot sa isang mas malawak na digmaan sa oil-producing region.
Ang Iran ay naglunsad ng sunod-sunod na missile attacks sa Israel noong October 1 bilang suporta sa Hamas. Sinabi ng Israel na gaganti ito at tinitimbang ang kanilang mga opsiyon. Ang oil facilities ng Iran ay isang posibleng target.
Sinasabi ng Israel na ang Hamas ay hindi na umiiral bilang isang organisadong istruktura ng militar kundi naging mga gerilya na lamang na gumagamit ng mga taktika.
Ayon sa Israeli officials, “Hamas fighters account for at least a third of the roughly 17,000 Palestinian deaths in Gaza, while 350 Israeli soldiers have been killed in combat in Gaza.”
Ngunit sinabi ng Hamas leader-in-exile na si Khaled Meshael, “Palestinian group will rise again and it continues to recruit fighters and manufacture weapons.”