Labanan sa Sudan umabot na sa World Heritage Site
Iniulat ng isang Non-Government Organization (NGO), na ang mapangwasak na siyam na buwan nang digmaan sa Sudan sa pagitan ng dalawang magkaribal na heneral ay umabot na sa isang UNESCO World Heritage Site.
Sinabi ng Regional Network for Cultural Rights, “We strongly condemns the incursion by the Rapid Support Forces (RSF) of the paramilitary forces of general Mohamed Hamdan Daglo, on the sites of Naqa and Musawwarat es-Sufra.”
Simula pa noong Abril ng nakalipas na taon, ay naglalaban na ang RSF forces at ang mga puwersang tapat kay Sudanese army chief Abdel Fattah al-Burhan.
Sinabi ng NGO na ang insidente, na nangyari noong Linggo, ay pangalawang ulit na simula noong Disyembre na ang mga labanan ay umabot sa religious sites, na nasa estado ng northern River Nile.
Ayon sa cultural rights group, kinonsulta nila ang “reliable sources, images at videos na naipost sa social networks na nagpapakita sa mga labanan sa pagitan ng army at RSF, na malamang na naglantad sa mga nasabing site sa vandalism, destruction, looting at theft.”
Ayon sa UNESCO, ang archaeological sites ng Isla ng Meroe, na nasa may 220 kilometro (137 milya) mula sa Khartoum, ay ang “puso ng Kaharian ng Kush” at tahanan ng mga pyramid, mga templo at mga tirahan na libu-libong taon na ang edad.
Ang sinaunang sibilisasyon ng Sudan ay nagtayo ng higit na maraming pyramids kaysa sa Egypt, ngunit marami rito ay hindi kilala.
Ang Isla ng Meroe, na nasa pagitan ng Nile at Atbara rivers, ay isang World Heritage Site, na ang sinaunang sibilisasyon ay humiram ng cultural traits mula sa Pharaonic Egypt, Greece at Rome.
Ayon sa conservative estimate ng Armed Conflict Location & Event Data Project, mahigit sa 13,000 katao na ang namatay simula nang mag-umpisa ang giyera noong Abril, at sinabi ng United Nations na mahigit sa pitong milyong katao naman ang na-displaced.