Labi ng mga namatay mula sa plane crash sa Nepal, sinimulan nang ibigay ng ospital sa kani-kanilang pamilya
Sinimulan na ng Nepali hospital staff na i-turn over sa nagdadalamhating mga pamilya, ang labi ng mga nasawi sa isang plane crash, ang pinakamalalang aviation disaster sa Nepal sa loob ng tatlong dekada.
Ang Yeti Airlines flight na may 68 mga pasahero at apat na crew, ay bumagsak sa isang matarik na bangin, nagkapira-piraso at nasunog habang papalapit sa central city ng Pokhara noong Linggo.
Lahat ng sakay, na kinabibilangan ng anim na mga bata at 15 mga dayuhan, ay pinaniniwalaang pawang nangamatay.
Sinabi ng police official na si AK Chhetri, na 70 labi na ang nakuha hanggang umaga nitong Martes, habang ayon sa isa pang senior official, malabo na ang pag-asang may matagpuan pang buhay.
Ayon kay Chhetri, “We retrieved one body last night. But it was three pieces. We are not sure whether it’s three bodies or one body. It will be confirmed only after DNA test.”
Aniya, “The search (for) the missing two other bodies has now resumed.Drones were being used and the search had been expanded to a radius of two to three kilometers (one to two miles).’
Sampung labi na ang dinala ng army truck mula sa Pokhara hospital patungo sa airport, at handa nang ilipad pabalik sa Kathmandu, kapitolyo ng Nepal.
Tatlong iba pang labi ang itinurn-over naman sa kani-kaniyang pamilya sa Pokhara, at susunod na rin ang iba pa.
Ang ATR 72 ay bumibiyahe mula sa Kathmandu patungong Pokhara, nang mangyari ang aksidente bago mag-alas onse ng umaga noong Linggo.
Ang sanhi ng pagbagsak ay hindi pa batid, ngunit makikita sa isang video sa social media ang biglang pagpaling sa kaliwa ng twin-propeller aircraft, habang papalapit ito sa Pokhara airport, na sinundan ng malakas na pagsabog.
Sinabi ng mga eksperto, na hindi pa malinaw mula sa nasabing video kung human error o isang mechanical malfunction ang dapat sisihin sa nangyari. Hindi pa rin nakikita ang black box mula sa eroplanong gawa ng France-based ATR.
Inaasahan naman na darating sa Nepal ngayong Martes, ang mga eskperto mula sa French accident investigation agency.
Ayon sa Press Trust ng India news agency, ang pilotong si Anju Khatiwada ay sumama sa aviation sector ng Nepal, matapos mamatay ng kaniyang asawa habang nagpapalipad ng isang maliit na passenger plane noong 2006.
© Agence France-Presse