Labing-apat, patay sa landslide sa Colombia
Gumamit na ng drones ang rescue teams upang maghanap pa ng survivors, matapos masawi ang 14 katao habang dose-dosena pa ang nawawala dahil sa landslide na dulot ng malakas na mga pag-ulan sa central Colombia.
Ilang bahay ang nawasak at isang pangunahing trade artery ang naharangan matapos salantain ng malakas na mga pag-ulan ang Quetame municipality sa Cundinamarca sa Colombia.
Sinabi ni Cundinamarca governor Nicolas Garcia, “14 lifeless bodies have been found and six rescued people were taken to hospital.”
Ayon kay regional civil defense director Jorge Diaz, na nasa 11 katao ang maaaring nawawala bagama’t hindi pa batid ang eksaktong bilang. Sinisikap na aniya ng mga awtoridad na alamin kung gaano karaming residente ang naninirahan sa 20 mga bahay na winasak ng delubyo.
Sinabi naman ni Quetame mayor Camilo Parrado, na ang ilang pamilya ay nawalan ng dalawa, tatlo o maging ng apat na miyembro.
Aniya, “Mud was piled a meter high, up to two meters in some places, making for a “very complex” search and rescue operation. Relief agencies with drones were involved in the search.”
Inanunsiyo ng army na magde-deploy sila ng nasa 80 mga sundalo upang tumulong sa paghahanap, habang inilikas naman ng mga bumbero ang mga nakaligtas.
Ayon kay Diaz na isang civil defense official, natabunan ng gumuhong lupa ang bahagi ng isang kalsadang nagdurugtong sa Bogota sa timog-silangang bahagi ng bansa, na isa sa pangunahing freight routes ng Colombia.
Nangyari ito malapit sa isang toll post na may 60 kilometro o 37 milya mula sa kapitolyo, at winasak ang isang tulay.
Samantala, ipinaabot na ni President Gustavo Petro ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ng mga biktima, at sinabing ang sakuna ay nagpapakita na kailangang patatagin ang mga imprastraktura sa paligid ng mga lugar na lantad sa panganib.
Ang panahon ng tag-ulan sa Colombia ay nagsisimula ng Hunyo at karaniwang nagtatagal hanggang Nobyembre.
Noong nakaraang taon, ang seasonal flooding sa bansa ay naging sanhi ng pagkamatay ng nasa kabuuang 300 kabilang ang 34 na nasawi, nang matabunan ng avalanche ang isang bus at iba pang mga sasakyan.
Nagdeklara rin ang Colombia ng isang national disaster noong 2022 dahil sa mga pag-ulan na may kaugnayan sa hindi karaniwang mahabang La Nina weather phenomenon, na nagpalamig sa surface temperatures at nagdulot ng mga pagbaha sa ilang bahagi ng mundo.
Sa mga unang bahagi ng Hulyo ay nagbabala ang World Meteorological Organization (WMO) ng UN, na ang “extreme weather at climate shocks” ay mas magiging matindi sa Latin America at sa Caribbean.
Ayon sa WMO, “Many recent events in the region were influenced by La Nina, but also bore the hallmark of human-induced climate change.”
Nagbabala ang UN agency na ang El Nino event ay magdadala ng mas marami pang “extreme weather.”