Labing-apat patay sa pagsiklab ng karahasan sa Myanmar
Sumiklab ang karahasan sa pagitan ng Myanmar army at anti-junta rebels nitong nakalipas na mga araw, at ayon sa mga nakatira sa isang village ay higit sa isang dosenang katao ang nasawi sa isang raid pa lamang.
Simula nang gibain ng militar ang civilian government ni Aung San Suu Kyi noong February 2021, ay nabalot na ng matinding karahasan ang Myanmar na naglunsad ng maigiting na crackdown sa mga tumututol sa junta na ikinasawi na ng marami.
Kabilang dito ang anti-coup “People’s Defence Force” (PDF) militias, maging ang matagal nang nakatatag na ethnic rebel armies na kumokontrol sa malaking bahagi ng teritoryong malapit sa border ng bansa.
Sinabi ng isang senior military source, na ayaw magpakilala, ilang araw nang nagkakaroon ng mga sagupaan sa mga estado ng Kachin, Karen at Kayah, maging sa Sagaing at Magway regions.
Sinabi naman ng dalawa katao mula sa Sone Chaung village sa Sagaing — isang pugad ng mga tutol sa pamumuno ng military junta — na 14 katao ang napatay ng army sa isang raid.
Ayon sa dalawa na ayaw magpakilala, dumating sa kanilang lugar ang army at hinahanap ang mga pinuno ng PDF.
Sinabi ng isa sa dalawa, na anim sa mga napatay ay PDF fighters, subalit pawang mga sibilyan na ang iba, na ang mga bangkay ay natagpuang nakakalat sa isang malawak na lugar, na malinaw na binaril nang magtangkang tumakas.
Kinumpirma naman ng isa pang military source na ayaw ding magpakilala, “Fighting and raids of PDF places in Sagaing and Magway regions are ongoing these days,” ngunit wala na siyang ibinigay na iba pang mga detalye.
Lubhang mahirap para sa mga mamamahayg na marating ang lugar, kaya’t mahirap ding i-verify ang bilang na binabanggit ng mga taga roon.
Sa mga unang bahagi ng buwang ito, sinabi ni US Secretary of State Antony Blinken sa Southeast Asian ministers na kailangan nang i-pressure ng Washington at regional states ang junta upang tapusin na ang karahasan at bumalik sa demokrasya.
Subalit walang naging epekto sa mga heneral ang diplomatic at economic pressure.
Ang junta, na pinangangatwiranang sanhi ng umano’y dayaan sa eleksiyon na pinagwagian ng partido ni Suu Kyi, ay nangako na muling magsasagawa ng panibagong halalan.
Subali’t ito ay naantala, at nito lamang nakalipas na linggo ay nagpahiwatig ito na palalawigin ang isang state of emergency at muling ipagpapaliban ang eleksiyon.