Labing-isa patay sa pagbagsak ng bubong ng isang gym sa China
Labing-isa katao ang namatay matapos bumagsak ang bubong ng gym sa isang eskuwelahan sa northeastern China.
Ayon sa state news agency na Xinhua, ang insidenteng nangyari sa Qiqihar, Heilongjiang Province ay sanhi ng ilegal na paglalagay ng construction workers ng perlite — isang uri ng volcanic glass sa bubong ng gusali.
Dahil sa malakas na mga pag-ulan ay nag-expand ang perlite at bumigat, sanhi upang bumagsak ang bubong.
Makikita sa footage na ipinalabas ng state broadcaster CCTV ang bubong na yari sa concrete slabs, na lubusang bumagsak.
Rescuers work at a school gym after the roof of the building collapsed in Qiqihar, in China’s northeastern Heilongjiang province early on July 24, 2023. Ten people have died and one remained trapped after the roof of a school gym collapsed in northeastern China, state media reported. (Photo by CNS / AFP) / China OUT
Pinasok ng rescue workers ang malalaking tipak ng konkreto at nabaluktot na mga metal sa hangaring maabot ang mga biktima. Isa sa kanila ang gumamit pa ng isang pneumatic jackhammer.
Samantala, sinabi ng state media na nagsasagawa na ng isang malalimang imbestigasyon at ang mga namamahala sa construction company ay isinailalim na sa kostudiya ng pulisya.
Ang bumagsak na bubong ay nasa gym ng No.34 Middle School.
Nabatid na labing-siyam katao ang nasa gym nang mangyari ang insidente. Apat ang nakatakas at apat din ang nakaligtas makaraan silang mailabas mula sa guho.
Natapos na rin ang rescue operation na kinasangkutan ng halos 160 mga bumbero at 39 na fire trucks.