Labinglima patay sa sunog sa East China
Hindi bababa sa 15 katao ang namatay at 44 ang nasaktan nang sumiklab ang sunog sa isang residential building sa Nanjing, east China.
Ayon sa mga opisyal, iminumungkahi sa paunang imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa unang palapag ng gusali, kung saan nakalagay ang mga electric bike.
Ang gusali ay nasa Yuhuatai district ng Nanjing, ang siyudad na mayroong higit sa walong milyong populasyon, may 260 kilometro (162 milya) sa hilagang-kanluran ng Shanghai.
Dalawampu’t limang trak ng bumbero ang pinakilos upang apulahin ang sunog, ayon sa emergency services.
Ang 44 na nasaktan ay dinala sa mga pagamutan, kung saan isa rito ay kritikal ang kondisyon, habang ang isa ay malubha ang tinamong injury.
Sa isang press conference, ay ipinaabot ni city mayor Chen Zhichang ang kaniyang pakikiramay at paghingi ng paumnahin sa pamilya ng mga biktima.
Ang mga sunog at ibang nakamamatay na mga aksidente ay karaniwan na sa China, dahil sa kakulangan ng safety standards at hindi mahigpit na pagpapatupad nito.
At nitong nakalipas na mga buwan, ang bansa ay dumanas ng sunud-sunod na nakamamatay na sunog na sanhi ng kapabayaan, na nag-udyok sa mga panawagan kay Pangulong Xi Jinping noong nakaraang buwan na magsikap na “sugpuin ang madalas na pagkakaroon ng mga aksidente.”
Noong Enero, dose-dosena ang namatay sa sunog sa isang tindahan sa siyudad ng Xinyu, kung saan iniulat ng state news agency na Xinhua na ang sunog ay sanhi ng ilegal na paggamit ng mga mangagawa ng apoy sa basement ng tindahan.
Ang nasabing sunog ay nangyari ilang araw lamang makaraan naman ang sunog na nangyari ng hatinggabi sa isang paaralan sa Henan province sa central China, na ikinamatay ng 13 estudyante na natutulog sa dormitoryo.
Sinabi ng isang guro, “All the victims were from the same third-grade class of nine- and 10-year-olds.”
Iminumungkahi sa ulat ng domestic media na ang sunog ay dulot ng isang electric heating device.
At noong Nobyembre, 26 katao ang namatay at dose-dosena ang dinala sa ospital matapos sumiklab ang sunog sa isang coal company office sa Shanxi province sa northern China.
At isang buwan bago ito, isang pagsabog ang naganap sa isang barbecue restaurant sa hilagang-kanluran ng bansa na nag-iwan sa 31 kataong patay at nagbunsod sa mga opisyal upang magsagawa ng isang nationwide campaign upang i-promote ang kaligtasan sa lugar ng trabaho.
Noon namang Abril, 29 katao ang namatay nang masunog ang isang ospital sa Beijing.