Labor groups nanawagang madaliin ang pag-apruba sa Paid Pandemic Leave Bill
Nanawagan ang ilang labor groups na madaliin ang pag-apruba sa Paid Pandemic Leave Bill.
Dalawampu’t isang labor groups ang lumagda sa kasulatan na sumusuporta sa Paid Pandemic Leave Bill o House Bill (HB) 7909 ng Gabriela Party-list.
Iminungkahi ng labor groups na kinabibilangan ng Anakpawis Party-list at Kilusang Mayo Uno (KMU), na bagama’t nakabinbin pa ang panukala ay dapat nang gamitin ng pamahalaan ang ipon nito mula sa budget at sobrang pondo ng militar at pulis, bilang quarantine pay sa mga manggagawa.
Ipinarating din ng grupo ang pagkadismaya sa pagbili ng gobyerno ng supersonic missiles para sa Phil. Navy na nagkakahalaga ng $374 million o nasa 19 billion pesos.
Una nang sinabi ng militar na ang pagbili ng supersonic cruise missiles mula sa India, ay makatutulong sa bansa upang ipagtanggol ang maritime borders ng Pilipinas, kabilang na ang pinag-aagawang West Philippine Sea na inaangkin ng China at iba pang kalapit na mga bansa.