Lady Gaga at Jennifer Lopez, magtatanghal sa inagurasyon ni Biden
WASHINGTON, United States (AFP) – Ang pop star na si Lady Gaga ang kakanta ng national anthem sa panunumpa bi Joe Biden bilang pangulo ng America sa January 20, habang si Jennifer Lopez ay isa rin sa mga mangtatanghal.
Kaugnay naman ng nasabing inagurasyon, ay pinaigting ang seguridad sa Washington sa harap na rin ng mga banta ng extremist supporters ng outgoing president na si Donald Trump, matapos ang ginawa nilang pag-atake sa US Capitol nitong nakalipas na linggo.
Nakiusap naman ang mga lokal na awtoridad sa publiko, na iwasan nang dumalo sa seremonya para maiwasan ang tsansa ng pagkakaroon ng kaguluhan, at para ang panunumpa ay hindi mauwi sa isang COVID-19 superspreader event.
Sa halip, sinabi ng inaugural committee ni Biden na magpapalabas sila ng limang araw na programming sa ilalim ng temang “America United,” na magbibigay pugay sa inaugural traditions at magbibigay pagkakataon sa mas maraming Amerikano na lumahok mula sa kani-kanilang tahanan.
Kabilang sa calendar of events ang “United We Serve,” isang National Day of Service sa January 18, Martin Luther King, Jr. Day; isang nationwide COVID-19 Memorial to Lives Lost sa January 19; at wreath laying sa Arlington National Cemetery sa araw mismo ng inagurasyon sa January 20.
Kapalit naman ng daang libong katao na karaniwang nagtutungo sa National Mall para saksihan ang inagurasyon, ang committee ay maglalagay na lamang ng “Field of Flags” na anila’y kakatawan sa mga mamamayang Amerikano na hindi makakabyahe.
Ang magiging host sa 90-minutong “Celebrating America” inauguration show ay ang aktor na si Tom Hanks, at katatampukan ng maraming musical perfomances mula kina Jon Bon Jovi, Justin Timberlake, Demi Lovato at iba pa, at ipalalabas sa lahat ng major US networks.
Si Lady Gaga at Jennifer Lopez ay magtatanghal sa mismong araw ng inagurasyon, na gaganapin sa Capitol building na may mga tanda pa rin ng nangyaring pag-atake noong January 6.
Si Lady Gaga ay isang vocal supporter ni Biden, kung saan naroon ito sa campaign finale sa Pittsburgh noong Nobyembre, habang si Lopez naman ay naging outspoken sa mga nakalipas na buwan tungkol sa COVID-19 relief efforts.
Nasa 20,000 National Guard soldiers ang inaasahang ide-deploy sa Washington sa araw ng panunumpa ni Biden, habang ang kapitolyo ay mahigpit na rin ang seguridad kung saan binakuran na at gwardyado ang maraming lugar doon.
Hinimok naman ni Washington Mayor Muriel Bowser ang mga nais bumisita na manatili na lamang sa kanilang bahay dahil sa pandemya, habang ang Airbnb ay nag-ban na ng mga nagpa-booking sa panahon ng inagurasyon.
© Agence France-Presse