Lahat ng 22 bangkay mula sa bumagsak na eroplano sa Nepal, nakuha na
Nakuha na ng Nepali rescuers ang katawan ng lahat ng 22 katao mula sa eroplanong bumagsak sa Himalayas ayon sa mga awtoridad, at sinisimulan na nilang kilalanin ang mga ito.
Ayon kay Civil Aviation Authority spokesman Deo Chandra Lal Karn . . . “All bodies have now been found.”
Noong Linggo ng umaga ay nawalan ng kontak ang air traffic control sa Twin Otter plane pagkatapos nitong mag-took off mula Pokhara sa western Nepal na patungo dapat sa Jomsom, isang popular na trekking destination.
Ang wreckage ng bumagsak na eroplano ay natagpuan makalipas ang isang araw, sa gilid ng bundok sa humigit-kumulang 14,500 talampakan (4,420 metro).
Ayon sa mga opisyal, sampu sa mga bangkay ay dinala ng helicopter sa Kathmandu, kabisera ng Nepal nitong Lunes habang ang natitirang 12 ay nasa lugar na mahirap maabot at naapektuhan din ang operasyon ng hindi magandang lagay ng panahon.
Humigit-kumulang sa 60 katao ang kasama sa search mission, kabilang ang army, pulis, mountain guides at mga lokal na residente, na karamihan ay milya-milya ang nilakad paakyat para makarating sa lugar.
Hindi pa makumpirma ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano, pero sinabi ni Pokhara Airport spokesman Dev Raj Subedi na ang eroplanong ino-operate ng Nepali carrier na Tara Air ay hindi nasunog habang nasa himpapawid pa.
Apat na Indian nationals at dalawang Germans na nasa kanila nang fifties ang lulan ng twin-prop aircraft, kasama ng 16 na Nepalis, na kinabibilangan ng isang computer engineer, asawa nito at dalawa nilang anak na babaeng kababalik lamang galing Estados Unidos.
Ang apat na Indians na kinabibilangan ng divorced couple at anak nilang babae at lalaki na edad kinse at 22-anyos, ay nasa isang family holiday.
Ayon sa Aviation Safety Network website, ang aircraft ay gawa ng Canada de Havilland, at unang lumipad 40 taon na ang nakalilipas.
Ang Tara Air ay isang subsidiary ng Yeti Airlines, isang privately owned domestic carrier na nagseserbisyo sa maraming remote destinations sa buong Nepal.
Ang huling “fatal accident” na kinasangkutan nito ay noong 2016 sa kaparehong ruta, nang bumagsak sa kabundukan ang isang eroplanong may lulang 23 katao.
Sumigla ang air industry ng Nepal nitong nakalipas na mga taon, kung saan nagbibiyahe ito ng mga produkto at mga pasahero, at maging ng foreign trekkers at climbers sa mga lugar na mahirap marating.
Nguni’t nagkaroon ito ng maraming isyu kaugnay ng kaligtasan, dahil sa hindi sapat na training at maintenance.
© Agence France-Presse