Lahat ng korte sa NCR, pisikal na sarado simula Agosto 2-20
Ipinagutos ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang pisikal na pagsasara ng lahat ng hukuman sa Metro Manila mula Agosto 2 hanggang 20.
Ito ay makaraang isailalim ang NCR sa GCQ with heightened restrictions mula Hulyo 30 hanggang Agosto 5 at ECQ mula naman Agosto 6 hanggang 20.
Sa administrative circular na inisyu ni Gesmundo, sinabi na layon din nito na maiwasan ang posibleng surge ng kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant sa mga hukuman.
Kasama rin sa pisikal na sarado ay ang mga judicial offices sa NCR.
Gayunman, tuloy ang operasyon online ng mga apektadong korte.
Pinapayagan din ang videonconferencing hearings para sa mga urgent na kaso at insidente gaya ng applications for bail, habeas corpus applications para sa temporary protection order para sa mga kaso ng pag-abuso sa mga kababaihan at bata, at releases bunsod ng acquittal o dismissal ng kaso.
Suspendido rin ang filing at service ng mga pleading at mosyon sa nasabing panahon.
Para naman sa mga korte at judicial offices sa labas ng NCR na nasa ilalim ng ECQ at MECQ ay iniutos din ang pisikal na pagsasara ng mga ito.
Pero, operational din ito online at magsasagawa ng videocon hearing sa mga urgent cases.
Bukas naman ang mga hukuman at judicial offices sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ with or without heightened restrictions at MGCQ.
Pero, in-court skeleton workforce na 25% hanggang 50% lang ang pinapayagan pumasok ng pisikal habang ang iba ay work from home.
Maaari rin magsagawa ng fully-remote videoconferencing hearings ang mga nasabing korte.
Lahat ng korte ay kailangan na maaksyunan sa loob ng 24 oras ang mga petisyon o mosyon sa mga urgent na kaso.
Moira Encina