Lahat ng resources ng gobyerno gagamitin sa pag-aresto kay Apollo Quiboloy – DILG
Tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Benhur Abalos,na gagamitin ng gobyerno ang lahat ng resources para arestuhin si Apollo Quibuloy at iba pang mga kapwa nito akusado.
Kabilang na rito ang buong puwersa ng pambangsang pulisya at sandatahang lakas ng bansa, para tugisin si Quibuloy upang mapanagot sa kanyang mga kaso.
Nagbabala si Abalos na lumiliit na ang mundo ni Quiboloy at kaniyang mga co-accused, kasunod nang pagkaka-aresto kahapon kay Pauleen Canada na kapwa nito akusado sa kasong Human Trafficking.
Giit ng kalihim, Hindi nila maaring talikuran ang kanilang tungkulin sa halip ay kailangan nilang ipatupad ang utos ng korte na bahagi ng paggulong ng hustisya para sa mga biktima ni Quibuloy.
Ngayong Biyernes ng umaga, ay iprinisinta sa kampo crame si Canada na naaresto kahapon ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Special Action Force (SAF) at Regional Intellegence Division ng PNP Region 11 sa Davao City.
Ayon kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, naaresto si Canada sa tulong ng impormasyon mula sa mga tumawag na concern citizen, matapos i-anunsyo ang reward para sa mga suspek.
Sinabi naman ni PNP Region 11 Director, Brig. Gen. Nick Torre, na nadakip si Canada sa kanyang bahay na 2 kilometro lang ang layo mula sa headquarters ng Police Regional Office 11.
Hindi naman direktang sinagot ng opisyal kung nakatulong sa pag-aresto kay Pauleen ang pagpapalit kamakailan ng hepe ng Davao City Police Office, at 19 na mga station commander.
Patuloy namang tinutugis ang iba pang suspek sa pangunguna ni Quibuloy, Cresente Canada, Ingrid Canada, Sylvia Cemanes at Jackielyn Roy.
Sa ngayon ay may mga natatanggap na rin umanong impormasyon ang PNP sa posibleng pinagtataguan ng mga nabanggit, ngunit kasalukuyan pa iyong biniberipika.
Noong Lunes, nag-alok ang DILG ang 10 milyong piso para sa mga makapagbibigay ng impormasyon sa ikaa-aresto ni Quibuloy, habang tig-isang milyong piso naman para sa mga kapwa niya akusado.
Mar Gabriel