Lakas-CMD tiniyak ang suporta kay PBBM
Mananatili ang suporta ng partidong Lakas-Christian Muslim Democrat (Lakas-CMD) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng liderato ni House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang pahayag ni Lakas-CMD Chairman at Senador Ramon ‘Bong’ Revilla matapos magbitiw si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa kanilang partido at demotion ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula sa pagiging senior deputy speaker sa pagiging deputy speaker.
Hindi nagdetalye si Revilla sa dahilan ng pagbibitiw ni Duterte sa partido pero ang Lakas-CMD aniya ay higit na pinatatag ng mga pagsubok at unos
“The party has witnessed and endured many trials which only strengthened our bond that is founded on our shared passion to serve our nation. Through the darkest of storms and greatest of tribulations, we have proven time and again that our unity will never be torn down,” pahayag ni Revilla sa isang statement.
Sinabi ni Revilla na maraming pagkakataon nang napatunayan ng partido na hindi kayang buwagin ang pagkaka-isa nito batay sa mga pinagdaanang pagsubok.
Pagtiyak ni Revilla, mananatiling dominant political party ang Lakas-CMD.
Samantala, tiniyak naman ng partidong Nationalist People’s Coalition (NPC) na mananatili silang kaalyado ni Romualdez sa Kamara at ni Pangulong Marcos.
Sinabi ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang NPC ay may 43 miyembro sa Kamara.
Meanne Corvera