Lakers pumayag sa coaching deal sa isang TV analyst
Nagkasundo ang Los Angeles Lakers at ang NBA television analyst para sa ESPN na si J.J. Redick, sa isang apat na taong kontrata para siya ang maging bagong head coach ng koponan.
Si Redick, na 15 taong naglaro sa NBA, ay nakipagpulong sa Lakers officials noong nagdaang weekend at nitong Huwebes ay ini-alok sa kaniya ang trabaho, ayon sa ESPN. Ang hakbang ay iniulat din ng The Athletic.
Tinanggihan ni University of Connecticut coach Dan Hurley ang Lakers para punan ang nabakanteng posisyon mula nang alisin ng club ang head coach na si Darvin Ham at ng buo niyang staff ng mga assistant noong nakaraang buwan.
Si Ham ay tinanggal matapos makakuha ang Lakers ng 47-35 sa nakaraang season at matalo sa Denver Nuggets sa unang round ng Western Conference playoffs.
Ang 39-anyos na si Redick, ay may average na 12.8 points, 2.0 rebounds at 2.0 assists per game sa 940 laro mula 2006-2021 kasama ang Orlando, Milwaukee, Los Angeles Clippers, Philadelphia at New Orleans.
Pagkatapos niyang magretiro ay naging bahagi siya ng ESPN noong late 2021 at naging parte ng top NBA coverage team ng network noong Pebrero, makaraang umalis ni Doc Rivers para maging coach ng Milwaukee Bucks.
Naging co-host si Redick ng isang podcast kasama ang Lakers star na si LeBron James.
Ang naturang pagsasama ay maaaring makatulong sa team habang tinatangka nitong i-revamp ang lineup at isulong ang pagiging title contender.