Lalaki arestado ng NBI sa Quezon City dahil sa pagbebenta ng endangered wood species
Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment operation ang isang lalaki sa North Fairview, Quezon City dahil sa pagbebenta ng endangered wood species na Agarwood.
Kinilala ng NBI ang inarestong lalaki na si Rafael Fabia.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence report ang NBI – Environmental Crime Division kaugnay sa grupo sa QC na sinasabing nagti-trade ng Agarwood.
Matapos magsagawa ng surveillance sa lugar, kinontak at nagpanggap ang mga NBI agents sa lalaki na bibili ng Agarwood na nagkakahalaga ng 40 thousand pesos.
Kasama ng NBI sa operasyon ang DENR-Biodiversity Management Bureau at DENR-National Capital Region.
Nakumpiska ng NBI sa compound ang 6.46 kilo ng Agarwood Chips na tinatayang may market value na mahigit isang milyong piso.
Pero sinabi ng NBI na ang Environmental Fee ng nasabing kahoy na binubuo ng market value, forest charges at environmental damages ay mahigit 10.5 million pesos.
Iniharap na sa piskalya sa Quezon City si Fabia para sa inquest proceedings kung saan kinasuhan ito ng mga paglabag sa Wildlife Forestry Code of the Philippines, at Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
– Moira Encina