Lalaking inakusahang naghagis ng bomba sa Japanese PM, kinasuhan ng attempted murder
Isang lalaking inakusahan ng paghahagis ng pipe bomb kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida noong Abril, ang kinasuhan ng tangkang pagpatay, ayon sa isang tagapagsalita ng Wakayama district court.
Si Ryuji Kimura, 24, ay pinaghihinalaang naghagis ng pampasabog patungo kay Kishida sa panahon ng isang campaign event sa kanlurang Japan.
Hindi nasaktan si Kishida matapos ang naturang pag-atake, habang si Kimura naman ay naaresto.
Nangyari ang insidente wala pang isang taon matapos na si dating Japanese leader Shinzo Abe ay pinaslang habang nangangampanya.
Nakakita naman ng hinihinalang gunpowder, maging ng pipe-like objects at mga tool nang halughugin ng pulisya ang bahay ni Kimura matapos ang pag-atake.
Nabatid na namalaging tahimik si Kimura simula nang siya ay maaresto.
Napaulat din na sumailalim ito sa psychiatric evaluation ng may tatlong buwan makaraang akusahan.
Una nang sinampahan ni Kimura ng isang lawsuit ang gobyerno, na inirereklamo ang minimum age ng Japan para sa pagtakbo sa mga halalan.