Lancet International Journal, kinontra ng Malakanyang sa pagsasabing Medical populism ang sistemang ginagamit ng Duterte administration sa pagtugon sa Covid-19
Nakabatay sa siyensiya o science at mga hard data ang desisyon at aksyon ng pamahalaang Pilipinas sa pagtugon sa pandemya ng Covid-19.
Sagot ito ng Malakanyang sa inilathala ng International Medical Journal na Lancet na medical populism ang polisiya o patakaran sa pagtugon ng administrasyong Duterte sa Covid-19 Pandemic.
Batay sa pahayag ng Lancet ang Medical Populism ay pangmamaliit sa epekto ng pandemya o pagtukoy ng madaling solusyon o lunas at pagpapasikat sa mga ginagawang tugon at paggamit ng kaalamang medikal.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na konkretong hakbang ang ginamit ng gobyerno kasama ang pagpapalakas ng testing capacity, contact tracing, isolation at kapasidad ng local health system para makontrol ang pagkalat ng Coronavirus.
Ayon kay Roque, whole of government at whole of society approach ang ginamit ng Pilipinas kung saan bawat sektor mula public health hanggang mga ekonomista ang kinokunsulta sa mga ipinatutupad na patakaran ng Inter Agency Task Force o IATF.
Bukod kay Pangulong Duterte kabilang sa tinukoy sa pag aaral ng Lancet na gumagamit ng medical populism na patakaran sa pagtugon sa problema ng Covid-19 ay sina US President Donald Trump at Brazilian President Jair Bolsonaro kaya mataas ang kaso ng Covid-19 sa kanilang bansa.
Vic Somintac