Atty. Larry Gadon nagsisisi sa pagsuporta sa mga Duterte

Photo courtesy of Atty. Larry Gadon FB page
Inamin ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Atty. Larry Gadon na pinagsisisihan niya ang pagsuporta noon sa pamilya Duterte.
Ito ang inihayag ni Gadon matapos na magsampa sa Korte Suprema ng disbarment case laban kay Vice- President Sara Duterte.
Ayon kay Gadon, hindi niya inakala na ganoon pala ang mga Duterte.
Aniya, “I really regret. Hindi ko akalain na ganyan pala sila e.”
Bilang Pilipino aniya ay sinuportahan niya nang mahalal noon si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil obligasyon ito ng bawat mamamayan.
Pero nang matapos na aniya ang termino ni Duterte, ang suporta na niya ay na kay Pangulong Bongbong Marcos.
Binatikos pa ni Gadon ang pambabastos ng dating presidente sa kasalukuyang Pangulo at ang paghimok nito sa militar na mag-kudeta.
Ayon kay Gadon, “As a Filipino, you have to support the government, you have to support the president, you have to support the administration, pero ano ang ginagawa ni former president Rodrigo Duterte, binastos niya si President Marcos, binastos niya ang gobyerno at ngayon gusto pa niyang magkudeta. Saan kayo nakakita ng ganyang dating panguslo, gusto niyang balewalain ang konstitusyon, gusto niyang lumabag sa batas ang military.”
Inihayag pa ni Gadon na “immature” at kulang na kulang sa statesmanship ang mga pahayag ni VP Sara at hindi pinag-aaralan ang mga isyu na sinasabi nito.
Nilinaw naman ni Gadon na naghain siya ng disbarment case laban sa bise-presidente, hindi dahil sa utang na loob sa Palasyo na nagtalaga sa kaniya sa posisyon.
Moira Encina-Cruz