Lato-lato’ bawal ibenta dahil walang FDA certification – DTI
Magkakasa ng inspeksyon ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga pamilihan na nagbebenta ng ‘lato-lato.’
Sinabi ni Trade and Industry Undersecretary Ruth Castelo na bawal ibenta sa merkado ang ‘lato-lato’ dahil wala itong certificate of product notification (CPN) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Paliwanag ni Castelo, walang makikitang CPN sa mga ibinebentang ‘lato-lato’ kahit pa ito ay may packaging.
Wala ring makikitang nakalagay na manufacturer ng produkto sa packaging o kung saan ito nanggaling.
Sinabi ng opisyal na ang mga materyales na ginamit sa ‘lato-lato’ ay hindi rin dumaan sa pagsusuri ng FDA kaya posible itong magdulot ng masamang epekto lalo sa kalusugan ng mga bata.
Pangungunahan ng FDA ang mga inspeksyon habang nakasuporta aniya ang DTI at toxic watchdog group na Ban Toxics.
Una nang naglabas ng magkakasunod na warning advisory ang FDA laban sa ‘lato-lato’ dahil hindi ito rehistrado at dumaan sa kanilang pagsusuri.
Madelyn Moratillo