Lebanon at Gaza, binomba ng Israel bago ang one-year anniversary ng Oct. 7 attacks
Binomba ng Israel ang Hezbollah targets sa Lebanon at Gaza Strip nitong Linggo, isang araw bago ang ika-isang taong anibersaryo ng Oct. 7 attacks na nagpasiklab sa giyera.
Idineklara rin ng defense minister ng Israel na bukas ang lahat ng mga opsyon para sa paghihiganti laban sa mahigpit nitong kaaway na Iran.
Ang mga rocket ng Hezbollah na pinawalan nitong Linggo ay lumampas sa Israeli air defense systems at bumagsak sa Haifa, ang ikatlong pinakamalaking siyudad sa Israel, na puminsala ng mga gusali ayon sa pulisya. Iniulat naman ng Israeli media na 10 katao ang nasugatan sa rocket strikes sa Haifa at sa lungsod ng Tiberias.
Ayon sa Hezbollah, tinarget nila ang isang military site sa timog ng Haifa ng sunod-sunod na “Fadi 1” missiles.
Binomba ng Israeli air strikes ang southern suburbs ng Beirut nito ring Linggo, sa pinakamatinding pag-atake sa Lebanese capital simula nang paigtingin ng Israel ang kanilang kampanya laban sa Iran-backed group Hezbollah noong nakaraang buwan.
Sinabi ng militar ng Israel na pinatamaan ng kanilang fighter jets ang mga target sa Beirut na kinaroroonan ng Intelligence Headquarters at weapons storage facilities ng Hezbollah, at tinarget din ang nasa southern Lebanon at Beqaa area.
Noong Oktubre 7 ng nakaraang taon, naglunsad ng rocket attacks ang Hamas-led militants sa Israel mula sa Gaza na ikinamatay ng 1,200 katao habang higit sa 250 ang binihag.
Nagbunsod ito ng isang Israeli offensive sa Gaza na ikinamatay ng halos 42,000 katao ayon sa Palestinian health authorities.
Sa bisperas ng anibersaryo nito, nagprotesta ang pro-Palestinian demonstrators laban sa Israel sa buong mundo mula Jakarta hanggang Istanbul at Rabat pagkatapos ng mga rally sa pangunahing mga kabisera ng Europe, sa Washigton at New York noong Sabado.
Samantala, noong isang linggo ay naglunsad naman ng isang missile attack sa Israel ang Iran bilang ganti sa pag-atake nito sa Lebanon at Gaza, kung saan naroroon ang ka-alyado ng Tehran na Hezbollah at Hamas militants sa tinatawag nilang Axis of Resistance.
Nangako naman ang Israel, na nagsabing ang layunin nila ay ang ligtas na pagbabalik ng libu-libong mga mamamayan sa kanilang tahanan sa northern Israel, na gaganti sila sa gitna ng pangamba na lumala ang tensiyon sa isang “all-out regional conflict.”
Ayon kay Israeli Defense Minister Yoav Gallant, pagpapasyahan ng Israel kung paano gaganti sa Iran bagama’t mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa matagal nang ka-alyadong US.
Sinabi pa ni Gallant, “Everything is on the table. Israel has capabilities to hit targets near ans far, we have proved it.”
Si Gallant ay nakatakdang makipagkita kay US Defense Secretary Lloyd Austin sa Miyerkoles.
Bagama’t sinabi ng US na hindi nito susuportahan ang pag-atake sa Iranian nuclear sites, sinabi ni President Joe Biden noong isang linggo, na ang Israeli attacks sa oil facilities ng Iran ay pinag-uusapan.
Inisnab naman ng Israel ang isinusulong na ceasefire na suportado ng US, sa launching ground operations sa Lebanon.
Nitong Linggo ay nag-react ang US government sa matinding pag-atake ng Israel sa pagsasabing ang military pressure ay maaaring magbigay-daan sa diplomasya ngunit maaari ring mauwi sa “miscalculations.”
Sinabi naman ni French President Emmanuel Macron nitong weekend, na dapat nang itigil ang pagpapadala ng mga armas sa Israel, na tinugon naman ng ng Israel ng pagsasabing “such a step will serve the purposes of Iran.”
Nag-isyu ang Israeli military ng bagong evacuation orders para sa mga residente ng southern Beirut nitong Linggo, bago ang panibagong mga pag-atake.
Kagabi ay nagdeklara ang Israel ng tatlo pang mga lugar sa kanilang northern border bilang closed military zones, na karagdagan sa mahigit limang isinara noong isang linggo upang gawing military staging areas.
Ayon sa health ministry ng Lebanon, anim katao ang namatay at labingtatlo ang nasugatan sa Israeli strike sa isang gusali sa mountain town ng Kayfoun sa central Lebanon, habang sa kalapit na bayan ng Qmatiye ay anim din ang namatay kabilang ang tatlong bata, at labing-isa naman ang nasugatan.
Sa Gaza Strip, hindi bababa sa dalawampu’t anim katao ang namatay at siyamnapu’t tatlong iba pa ang nasugatan nang tamaan ng Israeli airstrikes ang isang moske at isang paaralan na pinagkakanlungan ng mga na-displace, ayon sa Hamas-run Gaza government media office.
Sa pag-atake nila sa Israel noong isang linggo, binanggit ng Iran ang mga asasinasyon ng militant leaders, na sumira sa senior ranks ng Hezbollah.
Ang Hezbollah official na si Hashem Safieddine ay tinarget ng Israeli strikes sa southern Beirut noong isang linggo, at hindi pa malinaw kung ano ang kaniyang kahihinatnan. Siya ay ikinukonsiderang malamang na kapalit sa lider na si Sayyed Hassan Nasrallah, na namatay sa isang Israeli attack noong isang buwan.
Sinabi ni Senior Hezbollah political official Mahmoud Qmati, na ginagambala ng Israeli bombing ang search efforts sa isang lugar kung saan si Safieddine ay napaulat na tinarget. Aniya, ang Hezbollah ay pinangungunahan ng isang joint command hanggang sa maitalaga ang isang lider.
Wala pa ring balita sa Quds Force commander ng Iran na si Esmail Qaani, simula nang atakihin ng Israel ang Beirut noong nakaraang linggo, ayon sa dalawang senior Iranian security officials.
Ang conflict sa Lebanon, na nagsimula noong isang taon sa mga cross-border strike ng Hezbollah bilang pakikiisa sa Hamas, ay mabilis na lumawak sa nakalipas na ilang linggo.
Mahigit sa 2,000 katao ang namatay sa Lebanon sa halos isang taon nang labanan, karamihan ay sa nakalipas na dalawang linggo, ayon sa Lebanese health ministry. Sinabi ng ministry nitong Linggo, na 25 katao ang namatay noong Sabado.
Ayon kay Hanan Abdullah, residente sa southern suburb ng Beirut, “Last night was the most violent of all the previous nights. “There were dozens of strikes, we couldn’t count them all, and the sounds were deafening.”
Sinabi naman ng United Nations refugee chief, “There were ‘many instances’ where Israeli airstrikes had violated international law by hitting civilian infrastructure and killing civilians in Lebanon.”
Sinasabi ng Israel na tinatarget nito ang military capabilities at gumagawa ng mga hakbang upang mabawasan ang panganib sa mga sibilyan, habang sinasabi naman ng Lebanese authorities na mga sibilyan ang tinatarget ng Israel. Inaakusahan naman ng Israel ang Hezbollah at Hamas na nagtatago ang mga ito sa mga sibilyan na kapwa nila itinanggi.