Leonen: Pagbasura ng Kamara sa impeachment case, patunay sa kawalang basehan nito at pagpapatibay sa independence ng hudikatura
Pinuri ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang Kamara de Representantes sa pagbasura sa impeachment complaint na inihain laban sa kanya.
Sa statement ni Leonen, sinabi nito na patunay na walang basehan ang grounds sa isinulong na impeachment case matapos na i-dismiss ito ng Kamara dahil sa kawalan ng substansya at porma.
Pinagtitibay rin aniya ng Kamara sa desisyon nito ang independence ng hudikatura.
Para kay Leonen, isa itong precedent na nagbababala laban sa pag-abuso at pag-trivialize sa constitutional processes.
Ayon pa sa mahistrado, ang “immediate” at “decisive” na pagbasura ay nagpapatibay sa kanyang tiwala sa Kamara, sa liderato nito, at sa House Committe on Justice.
Binigyang-diin ni Leonen na hindi ito ang panahon para magbatuhan ng paratang sa harap na rin ng banta ng pandemya at epekto ng climate change.
Aniya hindi rin ito ang oras para sirain ang mga institusyon para lamang sa pagkaganid sa kapangyarihan.
Iginiit ni Leonen na hindi susulong ang sinuman sa pamamagitan ng pagwasak sa buhay at reputasyon ng iba.
Ayon pa sa SC justice, walang panalo na dapat ipagbunyi ang sinuman sa kabila ng pag-dismiss sa impeachment case.
Aniya maging paalala sana ito sa iba na huwag sayangin ang oras para sa makasariling paghahangad.
Nangako si Leonen na patuloy niyang gagawin ang kanyang trabaho sa Korte Suprema na may kababaang-loob, karangalan, kagalingan at kasipagan para sa social justice na marka niya bilang mahistrado ng SC.
Para naman sa mga nagsulong ng impeachment complaint at sumuporta rito, sinabi ni Leonen na hangad niya ang kabutihan ng mga ito at mahanap nila ang kanilang kapayapaan.
Ayon sa mga kongresista, ang mga akusasyon laban kay Leonen ay hindi batay sa personal knowledge at wala ring authentic records na susuporta sa mga ito.
Moira Encina