Libreng freight services ng relief goods, isinusulong sa Kamara
Nais ni House Deputy Speaker Congresswoman Camille Villar na maging libre ang freight services o paghahatid ng relief goods sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad at nasa ilalim ng state of calamity.
Dahil dito inihain ni Villar ang House Bill 9345 o Free Transportation of Relief Goods Act.
Sinabi ng Kongresista, isang humanitarian act na gawing libre ang transportasyon ng relief items at iba pang uri ng donasyon.
Naniniwala ang mambabatas na dapat palakasin ang Bayanihan sa mga Pilipino.
Ayon kay Villar, sa panahon ng sakuna ay mahalagang magtulungan ang pamahalaan at ang pribadong sektor upang matiyak na mabilis na makararating ang relief goods sa mga pamilya o indibiduwal na biktima ng kalamidad gaya ng bagyo, baha, lindol o pagsabog ng bulkan.
Sa ilalim ng panukala ni Villar, aatasan ang Office of the Civil Defense (OCD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Philippine Postal Corporation (Philpost) at iba pang kompanya o freight carrier sa pagdadala ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Vic Somintac