Libu-libo inilikas kasunod ng pagputok ng bulkan sa Indonesia
Mahigit sa dalawang libong mga residente ang inilikas sa temporary shelters, sa gitna ng pagtaas ng mga aktibidad ng isang bulkan sa eastern Indonesia.
Ayon sa Center for Volcanology and Geological Hazard Mitigation (PVMBG), ang Mount Lewotobi Laki-Laki sa East Nusa Tenggara province ay ilang ulit nang pumutok nitong nakalipas na mga linggo, kabilang ang pagsabog noong Lunes na nagbuga ng volcanic ash na 1.5 kilometro (4,800 talampakan) sa tuktok nito.
Nakapagtala ang ahensiya ng isa pang pagsabog nitong Martes, ngunit walang naobserbahang ash clouds mula sa bulkan.
Sinabi ni Benediktus Bolipapa Herin, isang opisyal sa East Flores district, na naapektuhan ng volcanic ashes mula sa mga pagputok ng bulkan kamakailan ang dalawang sub-districts malapit sa Lewotobi Laki-Laki mountain, na nagbunsod upang lumikas ang mahigit sa 2,200 mga residente patungo sa temporary shelters na itinayo ng mga lokal na pamahalaan.
Aniya, “There are 1,931 evacuees in the Wulanggitang (sub-district), and 328 evacuees in the Ile Bura (sub-district), the number of the evacuees could rise as more people seek safety from the volcano.”
Ayon pa kay Herin, “Due to the increase in (Mount Lewotobi Laki-Laki’s) status, the communities must be relocated to safe zones to anticipate unwanted things.”
Noong Lunes ay itinaas ng mga awtoridad sa ikalawang pinakamataas ang status ng bulkan mula sa four-tiered alert levels ng Indonesia, at pinalawak ang exclusuion zone sa apat na kilometro (13,100 talampakan) mula sa dalawa, sa paligid ng crater.
Napilitan ding magsara noong Lunes ang Frans Seda Airport dahil sa abo ng bulkan.
Ang Indonesia ay nasa Pacific Ring of Fire, isang lugar na may intense volcanic and seismic activity.
Nito lamang nakalipas na buwan sa Sumatra island, ay pumutok ang Mount Marapi, na ang ibig sabihin ay “mountain of fire,” na ikinasawi ng 23 katao.
Ang Indonesia ay mayroong halos 130 aktibong mga bulkan.