Libu-libo napilitang lumikas dahil sa baha sa Sydney
Libu-libo ang napilitang lumikas matapos lumubog sa tubig baha ang mga kalsada at mga bahay, bunsod ng pag-apaw ng mga ilog dulot ng malalakas na pag-ulan sa Sydney.
Inatasan na ng emergency services ang humigit-kumulang 50,000 katao na lumikas at maghanda nang takasan ang tumataas na tubig sa New South Wales.
Kaugnay nito ay 22 flood rescues na ang isinagawa ng emergency workers sa Sydney sa nakalipas na magdamag, sa tulong ng 100 army troops na naka-deploy sa estado.
Ayon sa mga opisyal, ang mga pagbaha, malalakas na pag-ulan at malalakas na hangin ang sanhi ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa 19,000 kabahayan.
Dumaranas ngayon ang Australia ng matinding epekto ng climate change gaya ng mga tagtuyot, matitinding bushfires, bleaching events sa Great Barrier Reef, at matitinding baha na nagiging karaniwan na dahil sa pagbabago ng global weather patterns.
Ang mataas na temperatura ay nangangahulugan na mas maraming moisture ang naiipon sa atmospera, kaya’t mas malalakas na mga pag-ulan ang ibinabagsak nito.
Ayon kay State Emergency Services commissioner Carlene York . . . “Sydney is not out of danger, this is not a time to be complacent. It’s risky out there.”
Sa prediskyion ng meteorologists, ang weather front ay kikilos pahilaga sa kahabaan ng silangang baybayin, makaraang magbuhos ng ulan sa Sydney sa loob ng apat na araw.
Samantala, nagdeklara ang federal government ng isang natural disaster sa 23 flooded areas ng New South Wales, para makapagpalabas ng relief payments sa apektadong mga residente.
Karamihan sa mga naapektuhan ngayon ng baha ay dumanas na at nalampasan ang magkakasunod na pagbahang tumama sa east coast noong 2021 at maging noong Marso ng nakalipas na taon, kung saan higit 20 katao ang nasawi.
Malaking bahagi ng pagbaha ay nagmula sa isang pangunahing river system sa Warragamba Dam, na nasa kanluran ng Sydney na simula pa noong Linggo ay napilitan nang maglabas ng malaking volume ng labis na tubig.
Ang napakalaking concrete dam ang pinagkukunan ng inuming tubig ng malaking bahagi ng siyudad.
Hinimok ni New South Wales Premier Dominic Perrottet ang mga tao na sundin ang atas na sila ay lumikas na.
Aniya . . . “We have had fires and… numerous floods over this period of time. Those orders ensure that we get people out safely. This event is far from over.”
Nagbabala naman si Jane Golding ng bureau of meteorology ng estado, na bagama’t tumigil na ang ulan sa ilang lugar sa Sydney, ay mananatili pa ng ilang araw ang flood warnings.
© Agence France-Presse