Libu-libong katao na-trap sa Jabalia camp habang tumitindi ang nakamamatay na mga pag-atake ng Israel sa Gaza
Libu-libong katao ang na-trap sa Jabalia camp sa Gaza habang inaatake ng Israeli forces ang lugar, ayon sa Médecins Sans Frontières (Doctors Without Borders), isang linggo makaraang ilunsad ng Israel ang isang opensiba doon na ayon dito ay may layuning pigilan ang ‘regrouping’ ng Hamas.
Hindi bababa sa 20 Palestinians ang namatay at dose-dosenang iba pa ang nasugatan sa Israeli strikes sa Jabalia, na puminsala rin sa apat na kalapit na mga bahay.
Ayon sa medics, hindi bababa sa 61 Palestinians ang namatay sa magkabilang panig ng Gaza dahil sa Israeli military strikes, kung saan halos kalahati sa nabanggit na bilang kasama ang 20 na namatay sa mga bahay, ay nangyari sa Jabalia, ang northern district na pinakamalaki sa historic refugee camps ng Gaza.
Sinabi ng Israeli military, na dose-dosenang mga militante sa Jabalia ang kanilang napatay, bagama’t hindi pa rin malinaw kung ilan sa mga namatay ang sibilyan at ilan ang fighters.
Sinabi ni MSF project coordinator Sarah Vuylsteke, “Nobody is allowed to get in or out; anyone who tries is getting shot. Five MSF staff were trapped in Jabalia.”
Ayon pa kay Vuylsteke, sinabi ng isang MSF driver, “I don’t know what to do; at any moment we could die. People are starving. I am afraid to stay, and I am also afraid to leave.”
Hindi bababa sa 15 sa mga namatay sa Jabalia ay dahil sa Israeli strikes na target ang iba’t ibang lugar, kabilang ang isang eskuwelahan na pinagkakanlungan ng displaced individuals, ayon sa official Palestinian news agency na Wafa, banggit ang medical sources.
Ayon naman sa Civil Defence ng Gaza, dose-dosena ang nasugatan sa Israeli quadcopter drone fire sa kaparehong paaralan.
Hindi naman agad na nagbigay ng komento ang Israeli military, na una nang nagsabi na ginagamit ng Gaza militants ang nasabing shelters para magtago, na itinanggi ng Hamas.
Ang Israeli military ay nagpadala ng mga sundalo sa kalapit na mga bayan ng Beit Hanoun at Beit Lahiya maging sa Jabalia. Sinabi ng Hamas na patuloy silang makikipaglaban sa Israeli forces.
Iniulat ng Palestinian health officials na sa ngayon ay hindi bababa sa 130 ang namatay sa operasyon, habang inabisuhan naman ng militar ang mga residente na lumikas sa lugar, kung saan sa pagtaya ng U.N. ay higit sa 400,000 katao ang na-trap.
Nagpahayag ng pag-aalala ang mga opisyal ng United Nations na ang nagpapatuloy na opensiba ng Israel at evacuation orders sa northern Gaza ay makagambala sa second phase ng kanilang polio vaccination campaign na nakatakdang isagawa sa susunod na linggo.
Iniulat ng healthcare officials na dose-dosenang pasilidad sa Gaza ang nasa ilalim ng evacuation orders mula sa Israeli military, kaya nagiging kumplikado ang humanitarian efforts sa gitna ng labanan.
Una nang nagsagawa ang aid groups ng paunang pagbabakuna noong isang buwan matapos na isang sanggol ang dumanas ng partial paralization dahil sa type 2 polio virus noong Agosto, na unang kaso sa teritoryo sa 25 taon.