Libu-libong tahanan nawalan ng suplay ng kuryente, dahil sa pananalasa ng bagyo sa New Zealand
Libu-libong mga tahanan sa New Zealand ang nawalan ng suplay ng kuryente ngayong Lunes, at daan-daang flights din ang kinansela dahil sa pananalasa ng bagyo sa hilagang bahagi ng bansa.
Idineklara na ang isang state of emergency sa limang magkakahiwalay na rehiyon sa North Island, na sumasaklaw sa halos one-third ng kabuuan ng populasyon ng New Zealand na 5.1 milyon.
Ang bagyo na humina na habang papalapit nitong Linggo, ay nagpatumba ng mga puno, sumira ng mga kalsada at nagpabagsak sa mga linya ng kuryente.
Ang Wellington-based prime minister ng New Zealand na si Chris Hipkins, ay kabilang sa libu-libong na-stranded sa northern city ng Auckland matapos makansela ang mga flight dahil sa bagyo.
Sinabi ni Hipkins sa mga mamamayan ng New Zealand, “Things will get worse before they get better, be prepared, stay inside if you can.”
Ayon sa opisyal, ikinukonsidera ng gobyerno na magdeklara ng isang national state of emergency na kung matutuloy ay ikatlo pa lamang sa kasaysayan ng bansa, subalit hindi pa aniya ito kailangan.
Samantala, nag-anunsiyo ang gobyerno ng isang aid package na nagkakahalaga ng $7.25 million upang tumulong sa recovery efforts.
Sinabi ng pulisya, na may isa kataong nawawala na lulan ng isang bangka na nagpadala ng distress call kaninang umaga sa Great Barrier Island, sa hilaga ng Auckland.
Binayo ng hanging may lakas na aabot hanggang sa 140 kilometers (87 miles) per hour ang Northland region, habang pinasayaw naman ng bugso ng hanging aabot sa 110 kph ang harbor bridge sa Auckland.
Sinabi ni Emergency management minister Kieran McAnulty, na hindi magiging maganda ang araw na ito ng Lunes, dahil “lubhang mapanganib” ang kombinasyon ng malakas na hangin at malakas na ulan.
Samantala, nawalan naman ng suplay ng kuryente ang nasa 58,000 katao na karamihan ay nasa hilaga ng New Zealand.
Ayon kay McAnulty, hindi ligtas na subukan ang pagkukumpuni habang masama pa ang lagay ng panahon.
Ang Auckland, na pinakamalaking siyudad ng New Zealand at tahanan ng 1.6 na milyong katao, ay bumabangon pa lamang matapos silang salantain ng mga pagbaha sa mga huling bahagi ng Enero, na nagtulak sa libu-libong katao na lisanin ang kanilang tahanan at nagresulta rin sa pagkamatay ng apat na katao.
Ayon kay Hipkins, “Many people haven’t been able to catch a break. The need in the community is significant. The effects of the weather events have compounded that.”
Ang masamang lagay ng panahon ay nagdulot din ng kaguluhan sa travel network ng New Zealand, matapos makansela ang biyahe ng mga eroplano, tren at bus.
Sinabi ng national carrier na Air New Zealand, na sa ngayon ay aabot na sa 509 ang kinansela nilang flights pero inaasahang magbabalik na sa normal ang mga serbisyo bukas, Martes.
© Agence France-Presse