Lima patay sa bagyo sa northern Italy at wildfires sa Sicily
Hindi bababa sa lima katao ang natagpuang patay sa Italy kasunod ng matinding bagyo sa hilaga at wildfires naman sa Sicily, na maaaring magresulta sa pagde-deklara ng gobyerno ng isang state of emergency sa mga lugar na pinakamalubhang tinamaan.
Sinabi ni Prime Minister Giorgia Meloni, na isang 16-anyos na teenager na nasa isang camping trip ang kabilang sa dalawang nasawi dahil sa bagyong tumama sa hilagang Italya.
Ang teenager ay namatay nang mabagsakan ng puno ang kaniyang tent sa isang scout camp malapit sa Brescia, kasunod ng malakas na hangin at magdamag na malakas na pag-ulan.
Isa namang middle-aged na babae ang namatay matapos ding mabagsakan ng puno sa Lissone, hilaga ng Milan.
Kinumpirma ni Meloni ang dalawang aniya’y “tragic death” dahil sa sama ng panahon, at nagpaabot na ng kaniyang pakikiramay sa mga kaanak ng mga biktima.
Kuwento ng mga residente sa Milan, ang malakas na mga pag-ulan ay sinabayan ng pagbagsak ng tipak-tipak na yelo, binaha rin ang mga kalsada, nabunot ang mga puno na ang karamihan ay bumagsak sa nakaparadang mga sasakyan.
Nag-ulat din ang transport authorities ng malubhang pinsala sa electrical network ng siyudad.
Sinabi naman ng mga pamatay sunog na ang sitwasyon ay “lubhang seryoso,” at iniulat na higit 200 tawag na ang kanilang natanggap sa buong Milan.
Subalit kahit inuulan ang hilaga, namamalagi naman ang pag-iral ng heatwave sa buong timog, na may naitalang temperatura na aabot sa 47.6 degrees Celsius (117 degrees Fahrenheit) sa eastern Sicilian city ng Catania.
Ayon sa media reports, dalawang bangkay na nasa kanila nang 70s ang natagpuan sa isang bahay na pininsala ng sunog habang isa namang 88-anyos na babae ang natagpuan malapit sa Sicilian city ng Palermo.
Sinabi ni Sicilian regional president Renato Schifani, na plano niyang hilingin sa gobyerno bago ang ministers’ meeting na magdeklara ng isang state of emergency para sa naturang Mediterranean island.
Magdamag din na nakipaglaban ang mga bumbero sa wildfires, na ang isa ay halos malapit na sa Palermo airport kaya isinara muna ang pasilidad sa loob ng ilang oras.
Iniulat ng Civil Protection Department ng Italy ang “extensive fires” sa buong katimugang bahagi, at sinabing humiling na sila ng air support para sa siyam na insidente ng wildfires sa Sicily, siyam sa Calabria at isa pa sa Sardinia.
Ayon kay Civil Protection Minister Nello Musumeci, “We are experiencing in Italy one of the most complicated days in recent decades — rainstorms, tornadoes and giant hail in the north, and scorching heat and devastating fires in the centre and south.”
Sa kaniyang social media post ay sinabi pa ni Musumeci, “The climate upheaval that has hit our country demands of us all… a change of attitude.”