Lima patay sa banggaan ng mga eroplano sa Tokyo airport
Lima kataong lulan ng isang Japan coast guard aircraft ang nasawi, nang bumangga ito sa isang Japan Airlines passenger plane sa Haneda airport sa Tokyo.
Sinabi ni Japanese transport minister Tetsuo Saito, na lahat ng 379 na mga pasahero at crew na sakay ng passenger plane na nagliyab ay ligtas namang nailikas.
Ngunit lima aniya sa anim na crew members mula sa coast guard aircraft na patungo sana sa central Japan para magdala ng ayuda sa mga naapektuhan ng malakas na lindol doon ay namatay.
Ayon kay Saito, nakatakas at nakaligtas ang kapitan nito ngunit nasaktan. Aniya, wala sila sa posisyon upang ipaliwanag ang sanhi ng aksidente.
Makikita sa television footage at unverified footage na ibinahagi sa social media, ang Japan Airlines (JAL) airliner na umuusad sa kahabaan ng runway bago ito nagliyab kung saan makikita ang malaking apoy at maitim na usok na nagmumula sa likod at ilalim nito.
Sa video naman na naipost sa social media platform X, ay makikita ang mga tao na lumalabas sa pamamagitan ng isang inflatable emergency slide mula sa gilid ng passenger plane habang may lumalabas na apoy sa likuran nito.
Ang eroplano, na napaulat na isang Airbus 350, ay dumating mula sa New Chitose Airport sa northern island ng Hokkaido. Kasama sa lulan nito ay walong mga bata.
Ang coast guard plane ay naghahanda na sanang lumipad patungo sa Ishikawa prefecture para magdala ng supplies, matapos ang malakas na lindol doon na ikinasawi ng 55 katao.
Pinuri ni Prime Minister Fumio Kishida ang mga nasawing crew member, na tutulong sana sa mga biktima ng lindol.
Aniya, “These were employees who had a high sense of mission and responsibility for the affected areas. It’s very regrettable. I express my respect and gratitude to their sense of mission.”
Iniulat naman ng Kyodo, na sinabi ng JAL, na ang passenger plane ay maaaring bumangga sa coast guard aircraft sa isang runway o isang taxiway makaraang lumapag.
Dahil sa aksidente ay sinuspinde ang domestic flights sa Haneda, ayon sa kanilang website, subalit tuloy pa rin ang karamihan sa kanilang international flights, paalis man o palapag.
Sinabi ng isang transport ministry official, na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente, kabilang ang palitan sa pagitan ng mga flight at air traffic control.
Sa loob ng maraming dekada, ay hindi nakaranas ang Japan ng isang malubhang commercial aviation accident, kung saan ang pinakamalala ay noong 1985, nang bumagsak ang isang JAL jumbo jet sa central Gunman region habang bumibiyahe mula Tokyo patungong Osaka, na ikinamatay ng 520 mga pasahero at crew.
Ang naturang sakuna ay isa sa “deadliest plane crashes” sa buong mundo na kinasasangkutan ng isang single flight.