Lima patay sa malakas na lindol sa southern Iran
Hindi bababa sa lima katao ang nasawi at 19 na iba pa ang nasaktan, nang tamaan ng malakas na lindol ang southern Iran kaninang umaga.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), ang 6.0 magnitude na lindol ay tumama 100 kilometro (60 milya) timogkanluran ng port city ng Bandar Abbas sa Hormozgan province. Ang lindol ay tumama isang minuto makaraan ang isang 5.7 tremor.
Sinabi ni Hormozgan governor Mahdi Dosti, na karamihan sa pinsala ay nangyari sa village ng Sayeh Khost, malapit sa sentro ng lindol.
Nobyembre ng nakalipas na taon, isa katao ang namatay sa Hormozgan province nang tumama ang kambal na 6.4 at 6.3 magnitude na lindol.
Matatagpuan sa gilid ng ilang tectonic plate at tumatawid sa iba’t ibang fault lines, ang Iran ay isang lugar na nakararanas ng malakas na seismic activity.
Ang pinakamapaminsalang lindol sa Iran ay ang 7.4-magnitude na tumama noong 1990, na ikinamatay ng 40,000 katao sa hilagang bahagi ng bansa.
© Agence France-Presse