Lima sa pitong guro sa Bacoor na sangkot sa umano’y sexual harassment, sinuspinde at sinampahan ng reklamong administratibo ng DepEd
Pinatawan ng 90 araw na preventive suspension ng Department of Education (DepEd) ang lima sa pitong guro sa Bacoor, Cavite na idinadawit sa sinasabing sexual harassment sa mga estudyante.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, matapos ang isinagawang preliminary investigation ng School Division Office sa Bacoor ay pormal nang sinampahan ng mga reklamong administratibo ang lima sa mga gurong isinasangkot.
Kaugnay nito ay sinuspinde aniya sa loob ng 90 araw ang limang teacher.
Ang kaso ay nag-ugat sa viral Twitter thread na naglalahad ukol sa sinasabing pag-abuso na naranasan ng ilang mag-aaral sa isang high school sa Bacoor.
Nilinaw ni Poa na binigyan ng limang araw ang mga sangkot na guro para sagutin ang mga alegasyon sa isinagawang fact-finding investigation.
Papipiliin naman aniya ang limang teacher kung sa pamamagitan ng position paper o paglilitis ang magiging administrative proceedings sa kaso laban sa kanila.
Hindi naman aniya ipinagharap ng administrative charges ang dalawa sa pitong guro dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Hinimok naman muli ni Poa ang mga biktima ng sinasabing sexual harassment na magsumite ng affidavits at ebidensya upang matuldukan ang sexual violence sa mga paaralan at maparusahan ang mga salarin.
Moira Encina