Limang COVID vax manufacturer, nag-apply ng CPR sa FDA
Nag-apply para sa certificate of product registration (CPR) sa Food and Drug Administration (FDA) ang limang COVID-19 vaccine manufacturer.
Sinabi ni Health Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire kabilang sa mga ito ang Astrazeneca, Johnson & Johnson para sa Jansen, Pfizer, Zuellig Pharma para sa Moderna at Spikogen.
Bagama’t nagsumite na nang aplikasyon ang nasabing mga kumpanya, sinabi ni Vergeire na hindi nangangahulungang tinanggap na ito ng FDA.
Paglilinaw ng health official isinasailalim pa sa evaluation ng FDA kung kumpleto ang kanilang mga dokumento.
Kasunod pa nito ang pagpo-proseso para magka-alaman kung bibigyan sila ng CPR.
Sakaling mabigyan ng COR ang isang bakuna, maaari na itong bilhin kahit ng mga pribadong kumpanya at ng publiko.
Pero pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na samantalahin na magpabakuna habang libre pa ito sa gobyerno.
Sa susunod na linggo naman, ina-asahang darating na sa bansa ang unang batch ng bivalent COVID-19 vaccines na kinapapalooban ng 391,000 doses.
Ang bivalent vaccines na ito ay pangunahing tumutulong para labanan ang Omicron variant na syang dominant variant ng COVID-19 sa bansa ngayon.
Sa oras naman na dumating na sa bansa ang mga nasabing bakuna, prayoridad mabigyan nito ang health workers at senior citizens.
Tiniyak naman ni Vergeire na tuloy pa rin ang kanilang negosasyon para sa ido-donate na bivalent vaccines ng COVAX facility.
Nauna na kasing na-delay ang pagdating nito sa bansa matapos mapaso ang state of calamity declaration sa Pilipinas.
“Nabasa namin sa article ang sabi dineny ng DOH ang pagtanggap ng bivalent vaccine. Starting August 2022 nakapag-start na kami ng negotiation para sa bivalent vaccine. nagkaroon tayo ng obstacle dahil na-lift ang state of calamity, so,wala katotohanan na nag-delay ang DOH, were working since august,” paglilinaw ni Vergeire.
Madelyn Villar – Moratillo