Limang sundalo ng Peru, nalunod habang tinatakasan ang mga protester
Limang sundalo ng Peru ang nalunod makaraang tumalon sa nagyeyelong ilog, habang tinatakasan ang anti-government protesters.
Hinahanap naman ang isa pang nagtangkang tumakas sa parehong ruta pagkatapos makipagsagupa sa mga demonstrador noong Linggo, na nawawala pa rin.
Sinabi ng mga sundalo na sinalakay sila ng mga taong armado ng mga tirador at patpat sa isang demonstrasyon laban sa pamahalaan ni Pangulong Dina Beluarte, sa lungsod ng Ilave sa Puno region.
Ang Puno ang naging sentro ng mga demonstrasyon na unang sumiklab noong Disyembre nang mapatalsik at arestuhin ang noo’y pangulong si Pedro Castillo, matapos nitong subukang buwagin ang parliyamento at maghari sa pamamagitan ng decree.
Hinihiling ng kanyang mga tagasuporta ang pagbibitiw sa puwesto ni Boluarte, isang bagong halalan, isang bagong konstitusyon at ang pagbuwag sa parlyamento.
Higit 50 katao na ang namatay at mahigit 1,300 ang nasugatan, na halos ang kalahati sa kanila ay miyembro ng security forces, mula nang mag-umpisa ang sagupaan ayon sa rights ombudsman ng bansa.
Ang huling mga biktima na pawang mga sundalo ay kinilala ng militar na sina Franz Canazas, Alex Quispe Serrano, Elvis Pari, Elias Lupaca at Percy Castillo.
Ang katawan ng mga ito ay nakuha mula sa Ilave River, isang tributary sa Lake Titicaca na nasa border sa pagitan ng Peru at Bolivia.
Sa isang video na ipinamahagi ng ministry, isang sundalo na nagawang makaligtas ang nagsabi na siya at ang kaniyang mga kasama ay tumawid sa ilog dahil wala nang iba pang paraan upang tumakas.
Sinabi nito, “Between 800 and 900 people surrounded us and started throwing stones at us. People called us corrupt and murderers. The men had tried to form a human chain, but ‘the current took us’, and some of the troops began to drown.”
Noong Sabado, 16 katao na kinabibilangan ng mga sibilyan at mga sundalo ang nasaktan sa sagupaan sa iba pang lugar sa Puno, kung saan isang istasyon ng pulis ang sinunog.
Ang 53-anyos na si Castillo, na akusado ng rebelyon, ay nagsisilbi ng 18 buwang pre-trial detention sa Lima. Siya ay iniimbestigahan para sa ilang bilang ng mga katiwalian.
Ang mga demonstrasyon ay gawa ng mga mahihirap na katutubong Peruvians mula sa Timog, na nakikita si Castillo na mababa rin ang pinagmulan at may katutubong pinagmulan, bilang isang kaalyado sa kanilang paglaban sa kahirapan, rasismo at hindi pagkakapantay-pantay.
Nahalal para sa limang taong termino, si Castillo ay 17 buwan pa lamang na nauupo sa puwesto nang siya ay mapatalsik. Siya ang ika-limang Peruvian president simula 2018 na matagumpay na na-impeach bago matapos ang termino.
© Agence France-Presse