Listahan ng mga taga-BOC na tumatanggap ng tara, ibubunyag na ni Sen. Lacson
Ibubunyag na ni Senador Panfilo Lacson sa susunod na pagdinig sa Senado ang hawak nitong listahan ng umano’y mga taga-Bureau of Customs na tumatanggap ng tara para sa mga inilalabas na container van.
Sinabi ni Lacson na hindi niya nailabas ang listahan sa pagdinig kahapon sa P6.4 bilyon shabu shipment mula China dahil tinapos agad ito ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon.
Nagkausap na sila ni Gordon at nangako naman sa kanya na uunahin siya sa susunod na pagdinig sa isyu sa Agosto 22.
Sinabi pa ni Lacson, tumatayong chairman din ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, karamihan sa listahan ay mga taga-BoC central office, partikular na sa Manila International Container Port.
Ayon kay Lacson matagal na niyang hawak ang listahan pero hindi na muna niya ito inilabas hangga’t hindi niya nabeberipika ito.
Paglilinaw ni Lacson listahan pa lamang ito ng tara ng mga ipinapasok na container van at wala pa ang tara na natatanggap mula sa mga nagpapasok ng mga high-end na sasakyan.
Ulat ni : Mean Corvera