Loan agreement ng Pilipinas sa pagbili ng anti-Covid-19 vaccine, isasara na bago matapos ang 2020
Posibleng sa Disyembre ngayong taon maisasara ang loan agreement ng Pilipinas sa pagbili ng anti-COVID-19 vaccine.
Ito ang report ni National Action Plan Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng development sa hinihintay na bakuna kontra COVID 19.
Sinabi ni Galvez na mayroon nang 17 na posibleng sources ng covid 19 vaccines ang Pilipinas mula sa ibat ibang bansa siyam ang nasa tinatawag na third phase clinical trial tatlo rito ay magsasagawa ng trial dito sa bansa.
Ayon kay Galvez kapag nagkaroon ang gobyerno ng advance procurement baka bago matapos ang taong kasalukuyan ay puwede nang magpirmahan para sa loan agreements.
Inirirekomenda ni Galvez na pumasok ang Pilipinas sa advance market commitment sa pamamagitan ng multilateral arrangement sa World Bank at Asian Development Bank bilang finance managers.
Kaugnay nito nais ni Galvez na magkaroon ng ibat ibang paraan ng financing tulad ng private-public agreement nang walang gastos ang gobyerno dahil ang pribadong sector ang magpopondo sa pamamagitan ng direktang pagbili ng bakuna pero ang Department of Health o DOH ang magpapasya kung kanino at saan ibibigay ang bakuna.
Niliwanag ni Galvez target ng pamahalaan na makakuha ng 30 milyon hanggang 50 milyong dosage ng COVID 19 vaccines sa susunod na taon sa sandaling mailabas na ito sa merkado.
Sa ngayon mayroon na umanong commitments mula sa pribadong sector at negosyante para mag donate sa gobyerno ng bakuna contra COVID 19 maliban sa kukuhanin nilang suplay para sa kani kanilang mga empleyado.
Vic Somintac