Lokal na halalan sa Marso magiging huli na niya ayon kay Erdogan
Sinabi ni President Recep Tayyip Erdogan ng Turkey, na ang lokal na halalan sa kaniyang bansa sa Marso ay magiging huli na niya, na nagmumungkahi sa pagtatapos ng mahigit dalawang dekada niyang panunungkulan.
Ito ang unang pagkakataon na si Erdogan na nasa kapangyarihan na simula pa noong 2003, ay nagsalita tungkol sa pag-alis sa puwesto.
Sa isang pagpupulong ng TUGVA young Turks foundation ay sinabi ng pangulo, “I am working non-stop. We’re running around breathlessly because for me, it’s a final. With the authority that the law confers on me, this election is my last election.”
Tiwala ang 70-anyos na lider na ang kaniyang conservative Justice and Development (AKP) party, ay mananatili pa rin sa kapangyarihan kahit wala na siya sa puwesto.
Aniya, “The results of the March 31 local elections would be ‘a blessing for the brothers who come after me.’ There will be a transfer of confidence.”
Umaasa ang AKP na mabawi ang mayorship ng Istanbul sa halalang gaganapin sa mga huling bahagi ng buwang ito, makaraan iyong maagaw ng oposisyon noong 2019.
Si Erdogan mismo ay naging alkalde ng Istanbul mula 1994 hanggang 1998.
Pagkatapos ay nahalal siya bilang prime minister noong 2003, nang ang premier pa ang siyang dominant figure sa Turkish politics.
Nabago ito nang mahalal si Erdogan bilang pangulo noong 2014, kasunod ng tatlong termino niya bilang prime minister.
Sa isang pagbabago sa konstitusyon noong 2017 ay ginawang isang executive presidency ang Turkey mula sa isang parliamentary system, kung saan binuwag ang posisyon ng punong ministro upang tiyakin na ang pagkakahawak ni Erdogan sa kapangyarihan ay mananatiling hindi nagbabago.
Ang karagdagang tagumpay sa halalan noong 2018 at noong nakaraang taon, ay nangangahulugan na ang madalas na kontrobersyal na pamumuno ni Erdogan ay umabot na sa ikatlong dekada.
Naging mabilis naman ang internet users sa pagbatikos sa sinabi ni Erdogan, na malapit nang matapos ang kaniyang political hegemony.
Sa kaniyang post sa X na dating Twitter, sinabi ng human rights activist na si Ercan Ozcan, “Don’t believe it. We know he tries to modify the constitution to ensure his re-election again and again.”
Si Erdogan ay nagkaroon ng isang reputasyon bilang isang lider na hindi kayang talunin, simula nang maluklok sa kapangyarihan ang kaniyang partido noong 2002.
Gayunman, ang kaniyang kapangyarihan ay bahagyang humina nitong nakalipas na mga taon.
Ang kaniyang mga kandidato sa pagka-alkalde sa Istanbul, ang economic hub ng bansa at sa Ankara, kabisera ng Turkey, ay kapwa natalo noong 2019.
At noong nakaraang Mayo sa presidential election, dinala siya sa second-round run-off sa unang pagkakataon.