‘Lord of the Rings’ actor na si Bernard Hill, namatay na sa edad na 79
Namatay na sa edad na 79, ang British actor na si Bernard Hill, na mas kilala sa kaniyang supporting roles sa “Titanic” at “The Lord Of The Rings” trilogy.
Gumanap siya bilang si Captain Edward Smith sa Oscar-winning 1997 epic romance na “Titanic,” at nakilala sa buong mundo nang gampanan niya ang papel bilang si Theoden, ang Hari ng Rohan, sa dalawa sa tatlong pelikula ng “The Lord Of The Rings” ni Peter Jackson.
Kinumpirma ng kaniyang agent na si Lou Coulson ang pagkamatay ni Hill, sa mga unang oras nitong Linggo sa British media outlets.
Sa mga unang bahagi ng kaniyang career, si Hill ay natampok na rin sa 1982 acclaimed drama ng BBC na may titulong “Boys from the Blackstuff,” kung saan nagwagi siya ng maraming awards at patuloy na pinupuri bilang isa sa pinakamahusay na halimbawa sa kaniyang panahon.
Nakatakda sana siyang magbalik sa telebisyon sa ikalawang serye ng isang contemporary BBC drama, na may pamagat na “The Responder,” na pinagbibidahan ni Martin Freeman, na nagsimula nang umere sa UK noong Linggo.