Los Angeles Times, nagbawas ng kanilang newsroom jobs
Inihayag ng los Angeles Times, na nagtanggal sila ng mahigit sa ikalimang bahagi (1/5) ng kanilang journalists, na isa pang halimbawa kung paanong ang news media sa Estados Unidos at sa buong mundo, ay nahihirapang makaagapay sa ‘disruptions’ ng internet age.
Ginawa ang anunsiyo sa panahong nagwewelga ang staff ng Conde Nast group, na siyang naglalathala sa Vanity Fair at Vogue, kaugnay sa nagbabantang lay offs at paghihigpit sa ilang ‘major titles.’
Sinabi ng Los Angeles Times, na inalis nito ang hindi bababa sa 115 newsroom positions sa layuning itama ang kanilang listing balance sheet.
Ayon sa may-ari na si Patrick Soon-Shiong, “Today’s decision is painful for all, but it is imperative that we act urgently and take steps to build a sustainable and thriving paper for the next generation.”
Ang Times, tulad ng maraming legacy media, ay nahihirapang umangkop sa ekonomiya ng online world, lalo na ang pagkawala ng kita sa advertising at lumiliit na bilang ng mga subscriber.
Noong isang linggo ay nagwalk-out ang unyon ng mga mamamahayag, nang unang lumitaw ang mga ulat na ikinukonsidera ng managers ang nasabing cut off.
Sinabi ni Soon-Shiong, na ang naturang walk-out ay hindi nakatulong at nagpahayag ng pagkadismaya dahil ang newsroom guild ay hindi nakipagkaisa sa managers upang makahanap ng paraan na maisalba ang mga trabahong mawawala.
Gayunman, ang nangyaring pagbabawas sa trabaho nitong Martes ay nakabibigla.
(FILES) The Los Angeles Times newspaper headquarters in El Segundo, California on January 18, 2024. The Los Angeles Times announced January 23, 2024 it is laying off more than a fifth of its journalists, as yet another once-storied US paper fell victim to the disruptions of the internet age. (Photo by Patrick T. Fallon / AFP)
Sinabi ng breaking news editor na si Jared Servantez, “The LA Times laid us off in an HR zoom webinar with chat disabled, no q&a, no chance to ask questions. As a colleague described it, that was like a drive-by.”
Ayon naman sa reporter na si Queenie Wong, “The journalism grim reaper has arrived at my door and what once was a dream is now a nightmare.”
Ang mga kawani sa buong publikasyon ay inaasahan nang maaapektuhan, kabilang ang ilang nagtatrabaho sa White House ngayong presidential election year.
Kinondena naman ng Los Angeles Times Guild, na kumakatawan sa karamihan ng mga mamamahayag ang nasabing cut off na anila ay “mapangwasak” saan man tingnan.
Pahayag ng guild, “To our members and their families, to our morale, to the quality of our journalism, to the bond with our audience, and to the communities that depend on our work.”
Ang nabanggit na layoffs ay bukod pa sa mahigit 70 mga posisyon na una nang inalis noong nakaraang taon.
Nangyari rin ito ilang araw pagkatapos ng biglaang pag-alis ng executive editor na si Kevin Merida, isang respetadong personalidad sa industriya na naging bahagi ng LA Times noong 2021.
Pinaniniwalaang sina-subsidize ni Soon-Shiong ang pahayagan sa halagang nasa pagitan ng $30 at $40 milyon isang taon.
Ang LA Times ay binili ni Soon-Shiong, anim na taon na ang nakalilipas.
Ang Times ay dating isang higante sa US media stage, na may mga correspondent sa buong mundo, subalit ang ilang taong pagtitipid ay nagpalubog dito.
Sinasabi ng mga kritiko na bagama’t pinalilitaw pa rin nito ang sarili bilang isang pambansang pahayagan na may isang West Coast perspective, sa kasalukuyan ay mararamdaman na mas parokyal ito.