LP, dumipensa sa video message ni VP Robredo
Dumipensa ang Liberal Party sa ginawang pagpapalabas ni Vice President Leni Robredo ng video messages sa isang forum ng United Nations na kumokondena sa mga pag-abuso sa giyera kontra droga ng administrasyon.
Ayon kay LP President at Senator Francis Pangilinan, prerogative ni Robredo bilang isang elective official na ipakita sa buong mundo ang nangyayaring mga pag-abuso batay sa umiiral na demokrasya sa bansa.
Sa halip na upakan si Robredo, dapat kumilos aniya ang gobyerno laban sa mga hindi nareresobang kaso ng pagpatay na umaabot na sa mahigit pitong libo, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang seryosong usapin sa 13 million hectares na Benham Rise.
Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na tama lang na malaman ng buong mundo na binibiktima ang taumbayan ng aniyay mga pag-abuso.
Hindi rin aniya dapat ibintang kay Robredo ang pagkondena ng International Community sa war on drugs dahil nakikita naman ng buong mundo ang nagaganap sa bansa.
Ulat ni: Mean Corvera