LPA na namataan sa Eastern Visayas posibleng maging bagyong “Chedeng” – PAGASA
Binabantayan ng state weather bureau PAGASA ang isang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Visayas na maaring maging isang tropical cyclone sa mga susunod na araw.
Sa forecast ng PAGASA, malaki ang tsansa na maging isang tropical depression ang bagyo sa susunod na 24 o 48 oras matapos itong mamataan sa layong 970 kilometro sa silangan ng Eastern Visayas.
Sakaling maging isang bagyo, tatawagin itong ‘Chedeng” – ang ikatlong tropical cyclone na papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong taon.
Ayon sa PAGASA, kumikilos ang LPA pa-hilagang kanluran ng Northern Luzon, bago ito mag-recurve palabas ng bansa.
Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang isa pang LPA na namataan naman sa 910 kilometro sa kanluran ng Northern Luzon, ngunit mababa ang tsansa na maging isang bagyo.
Wala ring direktang epekto sa bansa ang dalawang LPA.
Ang maulap na kalangitan at kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa kanlurang bahabi ng bansa ay bunsod pa rin ng southwest monsoon o Habagat.
Noong nakaraang linggo, idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa kung saan inaasahan ang nasa 20 cyclones na pumapasok o nade-develop sa PAR bawat taon.
Weng dela Fuente