LPA sa Mindanao, maliit ang tsansa na maging bagyo
Patuloy na binabantayan ng DOST-PAGASA ang Low Pressure Area (LPA) sa bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Senior weather forecaster Chris Perez, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 100 kilometro Timog-Kanluran ng Cotabato City.
Nakapaloob ito sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ) at kasalukuyang nakakaapekto sa Palawan at Mindanao area.
Bagamat maliit ang tsansa na mabuo ito bilang isang bagyo ay magdudulot naman ito ng mga pag-ulan sa Mindanao area at sa Palawan.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Ngayong araw, asahan ang maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan sa mga rehiyon ng Bicol at Mimaropa.
Sa Cagayan Valley partikular sa Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora province at nalalabing bahagi ng Calabarzon kasama rin ang Metro Manila ay asahan ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan.
Dahil sa umiiral na Northeast Monsoon o Amihan ay mababa pa rin ang temperatura sa Laoag at Tuguegarao habang sa buong Visayas at Mindanao ay asahan ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan dahil sa ITCZ.