LPA sa bisinidad ng Palawan, posibleng maging bagyo; Bagyo sa labas ng PAR, binabantayan din
Makulimlim na panahon at kalat-kalat na pag-ulan ang maghapong iiral sa malaking bahagi ng bansa dulot ng Low Pressure Area na nakapaloob sa Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Sa 10:00 am update ng PAGASA Southern Luzon, huling namataan ang LPA sa 205 km. West Northwest ng Puerto Princesa City, Palawan at posibleng mabuo ito bilang Tropical Depression sa susunod na 36 oras, papangalanan itong Odet.
Ngayong araw, apektado ng nasabing weather system ang Metro Manila, mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at mga lalawigan ng Aurora at Bulacan, at Western Visayas.
Pinagbabawalan munang pumalaot ang mga may maliliit na sasakyang pandagat dahil may nakataas na Gale warning sa mga babayin ng Batanes, Ilocos Norte, Northern at Eastern coast ng Cagayan kasama ang Babuyan islands at Isabela.
Magiging maalon ang kundisyon ng mga karagatan sa nasabing mga lugar.
Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang isang Tropical Depression na huling namataan sa 1,580 km East ng Visayas sa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Taglayt nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 km/h at pagbugso ng hanggang 55 km/h at halos ito kumikilos.
Inaasahang papalong hanggang 31 degree celsius ang temperatura ngayong Linggo sa Metro Manila, 32 degrees sa Tuguegarao, Cagayan at 23 degrees naman sa Baguio city.