LTFRB muling nagpa-alala laban sa colorum vehicle
Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga colorum vehicle na magsasakay at mangongontrata ng mga pasahero na uuwi sa mga probinsiya ngayong summer vacation.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na mahaharap sa parusa ang mga may-ari ng mga sasakyan na magsasakay ng mga pasahero nang walang kaukulang permit mula sa ahensya.
Ayon kay Guadiz papatawan ng multang isang milyong piso, impounding ng unit at cancellation ng vehicle registration sa Land Transportation Office (LTO) ang sinumang may-ari ng colorum na sasakyan na magsasakay ng mga pasaherong uuwi sa mga probinsiya.
Inihayag ni Guadiz mayroong sapat na units ng mga Public Utility Bus (PUB) na masasakyan ng mga pasahero dahil naglabas ang LTFRB ng 743 special permits.
Niliwanag ni Guadiz na mahigpit na nagmo-monitor ang LTFRB sa operasyon ng mga PUB mula sa pag-uwi ng mga pasaherong magtutungo sa mga probinsiya hanggang sa kanilang pagbabalik sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ligtas Summer Vacation 2023.
Vic Somintac