LTO pinagpapaliwanag sa backlog sa license plate at cards
Ino-obliga ni Senador Grace Poe ang Land Transportation Office (LTO) na isapubliko ang kumpletong report sa backlog ng mga plaka ng sasakyan at license cards.
Nais din ni Poe na malaman ng publiko kung paano so-solusyunan ito ng ahensya at ano ang itinakdang timeline para dito.
Dismayado ang Senador dahil nagkakaroon ng masamang reputasyon ang LTO sa pagtugon sa problema sa mga plaka.
Binigyang-diin ng mambabatas na kailangan ng masusing pagpaplano at estimation para matugunan ang mga kailangang gawin at hindi dapat na umasa na lang lagi sa DIY [do it yourself] at band-aid solutions na nakapagdudulot lang ng security risk at malapit pa sa pang-aabuso ng mga masasamang loob.
Iginiit ni Poe na binayaran ng mga motorista ang plaka at lisensya at hindi katanggap-tanggap na sa huli, ang magiging solusyon ay papel na kanya-kanyang imprenta pa.
Hindi aniya dapat ang taumbayan ang pinahihirapan sa sitwasyon na hindi naman nila kasalanan.
Meanne Corvera